Summer job alok ng DoLE

SECOND year college na po ako at magti-3rd year college na ngayong pasukan. Ako po ay nag-aaral sa Technological University of the Philippines ng kursong Computer Education.

Gusto ko lang po sanang malaman kung totoong may summer job na iniaalok ng Department of Labor. Nais ko sanang makapag trabaho ngayong summer vacation para may maipambayad ako sa tution ko ngayong pasukan.

Mahigit sa P8,000 ang aking tuition sa buong semester.

Sana po ay matulu-ngan ninyo ako, lalo na ngayon na ang mother ko lang po ang nagtatrabaho sa amin. Nais ko rin pong itanong kung qualified ako sa summer job.

Salamat po.
Khriaz de Guzman

REPLY: Ito ay bilang tugon sa katanungan ng isang college student na si Khriaz de Guzman.

Sa iyong katanungan kung may programa ang DOLE para sa Summer job at kung ikaw ay kwalipikado rito, maaari kang mapabilang dito kung masusunod ang mga kwalipikasyon na hinihingi ng kagawaran.

Simula pa noong mga unang linggo ng Pebrero ay nagsimula na ang DOLE ng registration para sa mga estudyante na nagnanais na magtrabaho ngayong bakasyon.

Ang summer job na ito ay nasa ilalim ng Special Program for the Employment of Students o SPES.

Maaaring magkaroon ng pansamantalang trabaho ang mga estudyante sa pribado o sa government; sa Government Owned and Controlles Corporations (GOCC) at Local Governmen Units (LGUs).

May tatlong kwalipikasyon para mapabilang sa SPES o para mabigyan ng pagkakataon ang mga ‘poor but deserving students’ na pansamantalang makapagtrabaho para may magamit na pang-tuition at iba pang pangangailangan sa pasukan.

Una, dapat nasa age bracket na 15-25 years old lamang.

Pangalawa, para sa high school, may passing grade na 75% habang sa mga college students ay 3.0.
Pangatlo, kinakaila-ngang nabibilang sa poverty threshold o may combined net income ang mga magulang na P122,000 kada taon, para sa pamilya na may anim na miyembro. Kailangan lakipan ito ng BIR certification na exempted nga sa pagbabayad ng buwis ang mga magulang.

Kung hindi naman employed ang mga magulang gaya ng mga nagtitinda at hindi nag file ng income tax, kinakailangang magsumite ng “affidavit of non filing” sa BIR at humingi ng certification.

Sa kaso naman ng mga magulang na walang trabaho at umaasa lamang sa tulong na ibinibigay ng kamag-anak, maaaring humingi ng brgy. certification.

Sa ilalim ng SPES, 60%-40% sharing na kung saan ang 60% na sweldo ay sasagutin ng mga kumpanya o anumang government agencies habang 40% naman ang sagot ng DOLE para sa regular net pay ng mga matatanggap ng estudyanteng magtatrabaho.

Ang programang ito ay hindi lamang ngayong summer vacation ipinatutupad kundi year-round. Aabot sa may P500 milyon ang budget na inilaan ng Kongreso para sa SPES ng DOLE.
Regional Director Nelson Hornilla
DOLE-NCR

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!

 

Read more...