MUKHANG hindi pa titigil ang apoy ng Janet Lim Napoles controversy na tinalo pa ang forest fire sa Mt. Banahaw.
Kung mababago nga lang siguro ni Napoles, ang itinuturong utak sa pork barrel scam, e tiyak na ginawa na niya ito.
Napakaraming political career na ang nasira—lalo na ‘yung mga matunog ang pangalan na tatakbo sa 2016 presidential elections.
Kung bad news man sa kanila ang pork barrel scam, good news naman ito sa madlang people.
Nalaman na natin kung ano ang ginagawa ng mga nakaupong senador at kongresista (hindi naman natin nilalahat) para mabawi ang kanilang milyun-milyong ginastos sa eleksyon.
Naalala ko tuloy ‘yung kuwentuhan sa isang umpukan ng mga mamamahayag.
Meron daw nangingikil kay Napoles ng halos P40 milyon kapalit ng hindi pagsisiwalat ng kanyang nalalaman tungkol sa scam.
Hindi daw nagbigay si Napoles at ipinagmalaki ang kanyang mga koneksyon kaya ito ang nangyari— nagkasunugan.
Yung mga koneksyon daw ni Napoles ay nag-apoy na lahat at mukhang sumobra pa sa pagkalitson.
Kung alam lang siguro nila na magkakaganito, malamang nag-ambagan na lang ‘yung mga koneksyon ni Napoles para hindi na umabot sa ganito.
Pero dahil kay Napoles mistulang nagkaroon ng cleansing sa gobyerno. Lahat ng ahensya nakalampag at nabura na ang mga bogus na non-government organization.
Mukhang hindi na mapipigilan ang pag-iba ng itsura ng eleksyon sa Pilipinas.
Kung dati sa mga entablado nagtutunggali ang mga pulitiko, kanya-kanyang pasikat sa mga botante, ngayon ay sa internet na sila maglalaban-laban.
At syempre sa mga TV programs na sadyang ginawa para pagsabungin ang mga kandidato.
Marami sa mga botante ay kabataan na mayroong Facebook at Twitter accounts gayundin sa iba pang social networking sites.
Kaya asahan na rin ang pagkakaroon ng bakbakan sa internet ng mga pulitiko.
Mas mura nga naman ang “gera” sa internet at mas mabilis pang ipakalat. Hindi katulad sa telebisyon, mahal ang ads.
Pero siguradong magiging madumi rin ang eleksyon dahil mapupuno ito ng siraan ng mga pulitiko.
Tiyak na magkakalkalan sila ng mga “sex video” at iba pang baho para maungusan ang kalaban.
At sana, natuto na rin ang tao at ang mga iboto ay ‘yung totoong may magagawang pagbabago sa bayan.
Kung anong bilis ng pagkalat ng impormasyon sa internet, maging kasing bilis din sana ang pagtanggi ng mga botante sa mga trapo (traditional politicians) na wala ng ginawa kundi ang magkamal ng salapi ng bayan.