Looking good ang Bolts

HANGGANG ngayon ay marami pa rin ang kukurap-kurap at hindi makapaniwalang nagawa ng Meralco Bolts na makabalik sa 20 puntos na kalamangan ng Air21 noong Linggo upang manalo.

Marami din ang hindi makapaniwalang nakakatatlong panalo na ang Bolts matapos ang limang laro. Kung natapos na ang elims kagabi, aba’y pasok na pasok na sa susunod na round ang Meralco.

Sa totoo lang, looking good ang Bolts. Maganda ang kanilang tsansang umusad sa quarterfinals at makabawi sa masagwang performance sa nakaraang Philippine Cup kung saan isa sila sa dalawang teams na maagang nagbakasyon.

Frustrating talaga iyon, e. Kasi sa pagtatapos ng elims ay tabla sila ng Alaska Milk para sa ikawalong puwesto at nagkaroon pa sila ng sudden-death playoff para sa huling quarterfinals berth.

Kahit na lumusot sila doon, makakatagpo nila ang top seed Barangay Ginebra na may twice-to-beat advantage sa quarterfinals. Mahirap din!

Natalo nga sila sa playoff kontra Alaska at maagang namaalam! Natural na ayaw ng Meralco na maulit iyon. At kung puwede din lang, ayaw din ng Meralco na magtapos sa ikapito’t ikawalong puwesto sa elims.

Nais ng Bolts na magtapos sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto kung saan parehas lang ang laban. Bunga ng ninth place finish sa Philippine Cup ay napayagan ang Meralco na kumuha ng import na may height limit na 6-11.

Enter Brian Butch, isang 6-10 Caucasian. Natural na hindi impressed ang mga fans dahil sa puti si Butch. Unless na talagang outstanding ang isang puting import, tiyak na talo siya sa itim na import.

At kung talagang outstanding siya, natural na sa NBA siya maglalaro at hindi sa PBA. So, uubra ba talaga si Butch? Para sa mga dyed-in-the-wool basketball fans, ubra naman talaga si Butch.

Sa mga nakakaalala, bago kinuha ng Gilas Pilipinas bilang naturalized player si Marcus Douthit, isa si Butch sa mga kinunsidera.Biruin mo iyon! Kinunsidera siya para sa ating National Team!

Ibig sabihin, magaling siya. Ito ang dahilan kung bakit siya kinuha ni Meralco coach Paul Ryan Gregorio. At noon ngang Linggo ay pinatunayan niya na tama ang ginawang pagpili ni Gregorio nang magtala siya ng 40 puntos at 30 rebounds laban sa Express. At nagwagi nga ang Meralco!

Mula daw nang maging chief statistician siya ng PBA ay wala pang naalala si Fidel Mangonon III na nakagawa ng 40 puntos at 30 rebounds sa isang game.

Wala din akong maalala, e. Siyempre, sasabihin ng mga kritiko na hindi naman magagawa ni Butch every game ang ganitong numero. Alam ni Gregorio iyon at na-appreciate  niya ang effort ng kanyang import. At umaasa siya na hindi bababa ang intensity ni Butch.

Read more...