Win streak ng Knicks tinapos ng Cavs


NEW YORK — Umiskor si Jarrett Jack ng season-high 31 puntos para pangunahan ang Cleveland Cavaliers sa 106-100 panalo at wakasan ang eight-game winning streak ng New York Knicks sa kanilang NBA game kahapon.

Sinayang din ng Knicks ang pagkakataon na makadikit sa dalawang laro na lamang sa Atlanta Hawks para sa huling playoff spot sa Eastern Conference.

Ilang oras matapos na sayangin ng Atlanta ang fourth-quarter lead laban sa Toronto Raptors, ginaya rin sila ng Knicks na naging malamya ang paglalaro sa ikaapat na yugto matapos na lumamang ng 17 puntos sa first half.

Hindi rin nila napigilan si Jack at hindi rin sila nakakuha ng basket mula kay Carmelo Anthony, na sumablay sa lahat ng kanyang limang tira sa huling yugto at nagtapos na may 32 puntos.

Kumana si Jack ng 23 puntos sa second half at nagtapos na may 10 assists para sa Cavaliers, na winakasan ang four-game losing streak.

Suns 127, T-wolves 120
Sa Minneapolis, gumawa si Markieff Morris ng 25 puntos mula sa bench para pamunuan ang Phoenix Suns sa pinakamatinding paghahabol nito ngayong season.

Naghabol ang Phoenix sa 22 puntos sa first half subalit tumira sila ng season-high 57 porsiyento para balewalain ang ginawa ni Kevin Love na 36 puntos at 14 rebounds.

Kinapos din si Love ng isang assist para makapagtala ng triple-double at gumawa ng krusyal na turnover sa huling minuto.
Tabla ang laro sa iskor na 118-all nang mawala ang bola kay Love at nakagawa si Eric Bledsoe ng fast-break layup.

Nagbuslo naman sina Gerald Green, Bledsoe at P.J. Tucker ng free throws sa huling mga segundo ng laro para tulungan ang Suns na makadikit ng kalahating laro para sa huling playoff spot sa Western Conference.

 

READ NEXT
Read more...