Puding ng panadero, budín ng Caviteño

ISANG tradisyon ng mga taga-Inglatera na ipinakilala ng mga Amerikano sa mga Caviteño ay ang paggawa ng puding na gamit ay lumang tinapay.

Nagsimula ang tradisyong ito noong ang mga Amerikano ay nakabase pa sa Sangley Point, isang base militar na itinatag noong 1899 sa Cavite Puerto makaraan ang digmaang Español-Amerikano.

Maraming mga sinaunang panaderia sa Cavite City, tulad ng Beruete’s Home Bakery, ang gumawa ng puding noong araw upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan  para sa masarap ngunit murang meryenda.

Kahit ngayon ay sikat na sikat pa rin ang puding sa mga mag-aaral dahil ito ang paborito nilang kainin kapag reses.

Pinagmulan
Paano ba nagsimula ang paggawa ng puding? At saan nag-ugat ang pangalan nito? Sa salitang Ingles, panghimagas o postre ang ibig sabihin ng “pudding”. Ito ay may dalawang titik “d”.

Ang “bread pudding” ay sinumulang gawin ng mga kapuspalad na panaderong Ingles noong ika-17 siglo, at dahil sa mura at madaling hanapin ang mga sangkap nito—tulad ng tira-tirang tinapay, gatas at mantekilya—naging popular ito bilang panghimagas ng mga mahihirap.

Muli itong sumikat sa Inglatera noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil sa kakulangan ng mga sangkap tulad ng itlog, arina at asukal.

Ngunit mayroong ibang pananaw ang mga nakakatandang Caviteño kung saan nanggaling ang puding, na kung tawagin nila ay “budín”.

Bago pa man daw dumating ang mga Amerikano ay nag-aaahin na ang mga Caviteño sa kanilang hapag-kainan ng “budin” o “budin de pan” na may “salsa Ingles” o custard cream.

Kung tutuusin, ganyan mismo ang anyo ng tamang pag-aahin ng puding ng mga taga-Inglatera. May mga nagsasabi na ang budin de pan ay natutuhan ng mga Kastila mula sa mga bihag nilang piratang Ingles noong panahon ng Galleon Trade.

At hindi kataka-taka na ang mga sangkap na ginagamit sa budin de pan tulad ng pasas, rum, at naranjita ay makikita sa lutuin ng mga Kastila.

Lumabas sa aking pananaliksik na ang budín ay ginagawa na rin ng mga Caviteño noong araw gamit ang ibang sangkap dahil sa kakulangan ng “tamang” sangkap para makagawa nito.

Imbes na sa gatas ibinababad ang tira-tirang tinapay ay sa kakang gata ng niyog na may asukal o panocha ito ibinababad bago lutuin na parang bibingka.

Pinipigaan din ito ng katas ng dalanghita at nilalagyan ng pasas. Bago ihain, pinapahiran ito ng halayang bayabas (guava jam) o kaya ay latik (coconut jam).

Simple lamang at ang paggawa ng budín de pan. Tulad ng puding, ang pangunahing sangkap nito ay ang lumang tinapay.Kapag bumibili ng loaf bread, tasty o pan americano, kadalasan ay hindi kinakain ang mga magkabilang dulo nito.

Ipunin ang mga ito at iimbak sa freezer hanggang makabuo ng isang buong loaf. At bago pa man sumapit ang kahit na anong pagdiriwang, maaari nang gumawa nito at maaaring iimbak sa freezer nang matagalan. Kailangan lamang ay ilagay ito sa oven at painitin bago ihain.

Budín de Pan o Puding ng Panadero
(klasikong resipi)

Mga Sangkap
20-30 pira-pirasong hiwa ng tira-tirang tinapay, kahit haluan pa ito ng ibang klaseng tinapay tulad ng pandesal, mamon o biscocho. O kung nais maging tunay a espesyal, gumamit ng ensaymada na may ginadgad na keso sa ibabaw!
1 buong bloke ng mantekilya o butter
1 litrong gatas (full-cream milk)
1 tasang asukal (brown)
6 itlog
1/4 tasang Tanduay Rum
2 kutsaritang vanilla flavoring
1 tasang pasas
Katas at pirapirasong kahel o matamis na dalandan

Paggawa
Hiwain ang mga tinapay sa maliliit na bahagi. Ilagay sa isang malaking lalagyan.
Sa isang bowl, tunawin ang mantekilya at isa-isang isalin ang mga itlog at batihin ito. Ihalo ang asukal, vanilla flavoring at gatas. Ibuhos ang lahat ng hinalong sangkap sa bowl na kung saan nakalagay ang mga tinapay.
Dahan-dahan itong haluin hanggang mabalot at mababad ang mga tinapay. Pabayaan itong mababad nang isang oras para masipsip ng tinapay ang hinalong gatas, mantekilya, asukal at itlog. Ito ang iyong “budin de pan mix”.
Bago ito isalang sa oven, ihalo ang rum at pasas.
Samantala, painitin ang oven sa init na 175 antas o grado. Isalin sa dalawang 9-inch loaf pan ang budin de pan mix,  at i-bake ito nang 45 hanggang 60 minuto.
Malalaman kung ito ay luto na kapag malinis ang paglabas ng kutsilyo matapos tusukin ang pudding. Kapag basa at may bahid ay hindi pa ito luto.
Ipainin ito nang 10 pang minuto at huwag pabayaang magtutong ang ibabaw nito.

Pag-aahin
Masarap itong panghimagas. Maaari  itong kainin nang mala-mig o mainit. Hiwain ng isang pulgadang kapal ang budin at ihain sa platito.
Pwede rin itong lagyan ng cream, pero kung nais mo na medyo kakaiba ay magpiga ng dalawang kalamansi sa isang tasang honey o pulot pukyutan at wisik-wisikan ang hiniwang pudding ng malapot na tamis-asim na salsa.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.

Read more...