Napakadali nga namang mambulabog ng katahimikan ng mga tao ngayon, maglagay ka lang ng inimbentong kuwento sa Facebook o sa Twitter ay siguradong pagkakaguluhan na ‘yun, magiging malaking balita na agad.
Totoong walang kaplano-planong umalis ng bansa ang aktres dahil sa mga personal nilang problema ng kanyang mister, pero kailanman ay hindi naging miyembro ng mga nagbebenta ng droga si Beth Tamayo, maayos ang kanyang buhay ngayon sa New York.
Merong regular na komunikasyon si Beth sa kanyang mga kaibigan dito sa Pilipinas, imposibleng maitago ang ganu’n katinding balita, nakakaawa naman si Beth na nagpakalayo-layo na nga ay kinakalampag pa rin hanggang ngayon.
Wala rin siyang kasalanan kung tutuusin sa nangyari sa kanyang mister, pero idinadamay siya, ang dahilan kung bakit mas pinili na lang ng magandang aktres na mamuhay nang pribado sa Amerika.
Sabi ng aming source na kaibigan ni Beth, “Naloka nga ako nu’ng magtawagan sa akin ang staff ng iba’t ibang talk shows, kukunan daw nila ako ng comment tungkol sa death row issue kay Beth!
“Ang sabi ko sa kanila, e, walang ganu’ng pangyayari, kasinungalingan lang ang kuwento, nakakaawa naman si Beth na lumayo na nga, pero hanggang ngayon, ayaw pa rin siyang tantanan ng mga inimbentong kuwento,” sabi sa amin ni Daddy Wowie Roxas na kaibigan ni Beth Tamayo.
Walang Beth Tamayo sa death row sa China, hindi totoong nasangkot ang magandang aktres sa isang sindikato ng droga, nasa Amerika si Beth Tamayo at wala sa China.
‘Yun ang malinaw at totoong-totoo.