Willie ipinatawag ang mga labandera, make-up artist, photog para bigyan ng pera


Masaya kaming tinext ng mga dating staff ni Willie Revillame. Ipinatawag daw sila ng aktor-TV host, nakipagkumustahan sa kanila ang mahal nilang kuya, at saka sila binigyan ng pampinansiyal na ayuda nu’ng paalis na sila.

Tuwang-tuwa siyempre sina Tarcila Castanares at Nanay Star, photographer at make-up artist sa programa nu’n ni Willie, dahil nabiyayaan daw sila sa isang panahong hindi nila inaasahan.

Bukod sa dalawa ay ipinatawag din ni Willie ang kanilang mga kosturera, ang mga labandera ng show na nag-aasikaso sa mga costume nu’n ng kanilang mga dancers, masayang-masaya ang grupo sa muli nilang pagba-bonding ng mahal nilang kuya.

Ganu’n ang ginagawa ni Willie, hali-halili niyang ipinatatawag ang mga dati niyang staff at crew, hindi nga naman niya kakayanin ‘yun nang sabay-sabay dahil sa dami.

Hiling ng mga kasama ni Willie, sana raw ay magkaroon na ng bagong show ang kanilang kuya, para hindi na sila nakakaranas ngayon ng kagipitan sa buhay.

Hindi naman kasi puwedeng umasa na lang sila sa habampanahon kay Willie, siyempre’y may sariling buhay at pinagkakagastusan din ang aktor-TV host, kaya trabaho ang palaging dasal ng kanyang mga kasamahan.

Naniniwala kami na isang araw ay magbabalik-telebisyon din si Willie Revillame, ang kuwestiyon na lang ay sa kung saang istasyon, pero palaging may puwang ang telebisyon sa mga taong may napatunayan na.

Sabi nga, kapag may iniwan, may siguradong babalikan.

Read more...