GALIT na galit ang kapatid kong si Erwin sa report na siya’y tumanggap ng suhol in the guise of commercials.
Sinasabi sa report na siya at isa pang broadcaster ay nakatanggap ng tseke na P245,535 galing sa National Agri-Business Corp. (Nabcor), isang government-owned corporation, upang huwag nilang banatan ang corrupt na kumpanya.
“Kuya, I swear on our father’s grave I didn’t receive any bribe from Nabcor. Yun ay bayad sa commercial sa RMN (Radio Mindanao Network) na nasa pangalan ko,” sabi ni Erwin.
Si Erwin ay naging commentator noon ng DZXL, na pag-aari ng RMN.
Ang commercial ng Nabcor ay na-solicit ni Erwin para sa kanyang programa kaya’t ang tseke ay nakapangalan sa kanya.
Ang arrangement kasi ay meron siyang commission sa DZXL sa bawat commercial niya na ipapasok sa radio station.
Dahil ba nasangkot sa katiwalian ang Nabcor ay sangkot na rin si Erwin dahil nag-advertise ang kumpanya sa kanyang programa noong mga nakaraang taon?
Walang iniwan yan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na nag-aadvertise sa aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” sa DWIZ.
Nasa pangalan ko ang mga tseke na binabayad ng dalawang government-owned corporations para sa commercials sa aking programa.
Suhol ba yun ng PCSO at Pagcor sa inyong lingkod?
“Kuya Mon, that was a legitimate transaction between me and Nabcor because that money was in payment for commercials in my program,” sabi ni Erwin.
Natutuwa nga si Erwin na nakialam na ang Department of Justice (DOJ) at iimbestigahan ang report na siya at ibang broadcasters ay tumanggap sa Nabcor.
Sabi niya, maibibigay niya ang kanyang panig sa kontrobersiya at ipapakita niya sa publiko ang mga dokumento na nagpa-patunay na may transak-syon sa panig niya, bilang representative ng RMN, at ng Nabcor.
Ipapakita niya ang broadcast order, na parang equivalent purchase order, na galing sa Nabcor at ang certificate of performance galing sa RMN na nagpapatunay na nagamit ni Erwin ang mga commercials sa kanyang programa.
Kung may may kalokohan ang deal ni Erwin sa Nabcor, bakit siya natutuwa na siya’y iimbestigahan ng DOJ?
Ang Nabcor kasi ay nasasangkot sa report na ito ay isa sa mga binagsakan ng pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.
Kasalanan ba ng aking kapatid na corrupt ang Nabcor na nag-advertise sa kanyang programa sa DZXL?
Sinabi ko kay Erwin na huwag sisihin ang INQUIRER, na sister publication ng Bandera, na naglabas ng report tungkol sa diumano’y pagkakasangkot niya sa anomalya.
Walang personal na galit sa kanya ang INQUIRER dahil nakuha lang ang report sa whistleblower na si Rhodora Mendoza.
Sinabi ko kay Erwin na walang sinasanto ang INQUIRER at maging ang Bandera sa pagreport ng anomalya.
Ang binigay ko na halimbawa ay si Sandy Prieto, president ng INQUIRER.
Si Sandy ay asawa ng anak ni Kokoy Romualdez na kapatid ng dating first lady na si Imelda Marcos.
Pero hindi tinatantanan ng INQUIRER ang pagbanat kay Imelda.
Hindi kasi nakikialam ang pamilya Prieto, may-ari ng INQUIRER at Bandera, sa mga istorya o banat na lumalabas sa kanilang mga diyaryo.
To their credit, the Prietos leave all editorial decisions to the editors of their newspapers.
That’s why the INQUIRER remains the most credible and highest circulated newspaper in the country.