Thunder nakalusot sa Cavaliers; Rockets dinurog ang T-wolves


CLEVELAND — Umiskor si Kevin Durant ng 35 puntos habang si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 16 puntos para sa Oklahoma City Thunder na napigilan ang matinding ratsada ng Cleveland Cavaliers at itakas ang 102-95 pagwawagi sa kanilang NBA game kahapon.

Sumablay muna si Durant sa lima sa kanyang unang anim na tira bago nabawi ng kasalukuyang top scorer ng NBA ang kanyang shooting touch. Siya ay nakaiskor ng 25 o higit pa sa 33 diretsong laro — ang second-longest streak sa NBA magmula ng gumawa si Michael Jordan nito sa 40 magkakasunod na laro noong 1986-87 season.

Sa pagtala ng ika-50 panalo, ang Thunder, na hinayaang matapyas ang 24-puntos na kalamangan sa limang puntos sa ikaapat na yugto, ay 1½ laro na lamang ang hahabulin sa San Antonio Spurs para sa best record sa Western Conference.

Si Dion Waiters ay gumawa ng 30 puntos para sa Cavs, na hindi nakasama si injured star guard Kyrie Irving.

Rockets 129, Timberwolves 106
Sa Houston, nagtala si James Harden ng 28 puntos at walong assists para pamunuan ang Houston Rockets na tambakan ang Minnesota Timberwolves.

Naghabol pa ang Rockets mula sa higit 10 puntos bago nagsagawa ng arangkada sa ikalawang yugto para makuha ang kalamangan.

Ang Turkish center na si Omer Asik, na pinalitan si Dwight Howard na may iniindang strained left ankle, ay umiskor ng 12 puntos para sa Rockets na nagwagi sa ikapitong pagkakataon sa 10 laro.

Kumana si Kevin Love ng 29 puntos habang si Senegalese rookie Gorgui Dieng ay nag-ambag ng 22 puntos at 21 rebounds, na parehong career-high.

Trail Blazers 116, Wizards 103
Sa Portland, Oregon, kumana si Wesley Matthews ng 28 puntos kabilang ang apat na 3-pointers para pangunahan ang Portland Trail Blazers na padapain ang Washington Wizards.

Si Damian Lillard ay nagdagdag ng 23 puntos at 10 assists para sa Blazers, na hindi nakasama si injured All-Star LaMarcus Aldridge.

Si John Wall ay nagtala ng 24 puntos at 14 assists para sa Wizards, na natalo ng dalawang sunod sa pagbubukas ng kanilang four-game West Coast swing.

Warriors 115, Bucks 110
Sa Oakland, California, kumana si Stephen Curry ng 31 puntos at  11 assists habang si Klay Thompson ay umiskor ng 29 puntos para sa Golden State Warriors.

Si David Lee ay nag-ambag ng 22 puntos at 12 rebounds para sa Warriors na napalaban ng husto sa Milwaukee Bucks.

( Photo credit to INS )

Read more...