Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2:45 p.m. Barako Bull vs San Miguel Beer
5:15 p.m. Rain or Shine vs San Mig Coffee
ISANG panibagong kabanata sa kanilang ‘rivalry’ ang bubuksan ng San Mig Coffee at Rain or Shine sa kanilang pagkikita ngayon sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-2:45 ng hapon ay sisikapin ng San Miguel Beer na maipagpatuloy ang pag-akyat sa standings sa sagupaan nila ng Barako Bull.
Ang Mixers ay may malinis na 2-0 record matapos magposte ng panalo kontra sa Globalport (91-75) at Barangay Ginebra San Miguel (90-80).
Hangad ng Mixers na maipagpatuloy ang pagdomina sa Elasto Painters na tinalo nila, 4-2, sa Finals ng nakaraang Philippine Cup upang maibulsa ang korona.
Ang San Mig Coffee ay pinamumunuan ng import na si James Mays na hindi naman dominante subalit nakakatulong ng malaki.
Sa unang dalawang games ay nagpamalas ng matinding performance ang rookie na si Ian Sangalang na pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Consistent pa rin ang mga numerong nanggagaling kina James Yap, Mark Barroca, Marc Pingris, Peter June Siimon at Joe Devance. Ang Rain or Shine ay inconsistent sa unang tatlong games at may 1-2 karta.
Natalo sila sa Barako Bull, 110-106, at nakabawi kontra sa defending champion Alaska Milk, 92-78. Noong Miyerkules ay pinadapa sila ng San Miguel Beer, 112-107.
Nagtala ng 33 puntos ang import na si Alex McLean laban sa Beermen subalit hindi ito naging sapat upang sila ay manalo. Si Mclean ay tinutulungan nina Jeff Chan, Gabe Norwood, Paul Lee at Beau Belga — na pawang mga miyembro ng training pool ng Gilas Piilipinas.
Ang San Miguel Beer ay may 3-1 record at nakagamayan na ang import na si Kevin Jones na humalili kay Josh Boone. Si Jones ay nagtala rin ng 33 puntos laban sa Rain or Shine.
Sa larong iyon, gumawa ng career-high 22 puntos si Chris Ross na siya na ngayong lead point guard ng koponan. Katuwang ni Ross sina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Lutz at Marcio Lassiter.
Ang Barako Bull ay may 1-3 record at ang tanging tinalo nito’y ang Elasto Painters. Eksplosibo mang scorer ang import na si Joshua Dollard ay kailangan niya ng tulong buhat sa mga locals.
( Photo credit to INS )