NEW YORK — Umiskor ng 34 puntos si Carmelo Anthony para pangunahan ang New York Knicks sa 92-86 panalo laban sa Indiana Pacers at itulak sa pito ang winning streak ng koponan.
Ito naman ang unang laro ng Knicks sa ilalim ng bago nilang team president na si Phil Jackson.
Habang nanonood si Jackson sa kanyang upuan ay dinomina ng Knicks ang laro sa first half at tuluyang lumayo sa second half.
Ang Pacers ay pinangunahan ni Lance Stephenson na may 21 puntos at siyam na rebounds.
Celtics 101, Heat 96
Sa Boston, sinamantala ng Celtics ang pagkawala ni LeBron James para manalo.
Tumira ng dalawang running baseline shots si Rajon Rondo sa huling dalawang minuto ng laro para maisakatuparan ang upset win.
Matapos na tumira ng 43 puntos si James sa 100-96 panalo ng Heat noong Miyerkules ay ipinahinga ng Heat ang kanilang All-Star player na may iniindang back spasms.
Si Rondo ay nagtapos na may siyam na puntos, 15 assists at 10 rebounds at si Avery Bradley ay may 23 puntos para sa Boston na pinutol kahapon ang kanilang five-game losing skid.
Ang Heat ay pinamunuan ni Dwyane Wade na may 17 puntos.
Bulls 102, 76ers 94
Sa Philadelphia, umiskor ng 20 puntos si D.J Augustin at nag-ambag ng 19 puntos at 13 rebounds si Taj Gibson para pangunahan ang Bulls sa panalo at ibigay sa 76ers ang ika-22 diretsong kabiguan sa season.
Ang Sixers ay apat na talo na lamang para mapantayan ang NBA record para sa longest-single season losing streak.
Hawak ng Cleveland Cavaliers ang record na 26 diretsong talo noong 2010-11 season. Ang Vancouver Grizzlies (1995-96), Denver Nuggets (1997-98) at Charlotte Bobcats (2011-12) ay natalo naman ng 23 sunod.
Nalasap din ng Sixers ang ika-17 diretsong pagkatalo sa homecourt.