LeBron binuhat ang Heat kontra Cavaliers


CLEVELAND   — Umiskor ng 43 puntos si LeBron James kabilang ang 25 sa first quarter at nag-ambag naman ng 21 puntos si Chris Bosh para tulungan ang Miami Heat sa 100-96 panalo kontra  Cleveland Cavaliers kahapon sa NBA.

Hindi nakapaglaro  si Dywane Wade ng Heat at sina Luol Deng at Kyrie Irving ng Cavaliers dahil sa magkahiwalay na injury.
Bagaman wala ang dalawang kamador  ng Cleveland ay pinahirapan nito ang nagdedepensang kampeon.

Kinailangan pa ni James na gumawa ng dalawang krusyal na shot blocks at magbuslo ng  anim na free throws sa huling dalawang minuto ng laban para masiguro ang panalo.

Si    Jarrett Jack ay may 22 puntos para sa Cleveland na nanganganib na hindi makapasok sa NBA Playoffs sa season na ito.

Hawks 118, Raptors 113 (OT)  
Sa Atlanta, napantayan ni Jeff Teague ang career-high niyang  34 puntos at si Paul Millsap ay nagtala ng una niyang  triple-double para ibigay sa  Hawks ang ikalimang sunod na panalo.

Si Millsap ay nagtapos na may  19 points, 13 rebounds at 10 assists. Dahil sa panalo ay napagtibay ng Hawks ang pagkakahawak nila sa ika-walong puwesto sa Eastern Conference standings.

Ang Raptors naman ay nakikipag-agawan sa Chicago Bulls para sa pangatlong puwesto sa East.

Kings 117, Wizards 111 (OT)
Sa   Sacramento, naitala  rin ni Isaiah Thomas ang kauna-unahan niyang  triple double matapos gumawa ng 24 puntos, 11 rebounds at 10 assists para pangunahan ang  Kings sa overtime win.

Sina DeMarcus Cousins at Rudy Gay ay kapwa umiskor ng 24 puntos para sa  Kings, na nag-rally sa fourth period para makapuwersa ng overtime.

Sina Bradley Beal   at Marcin Gortat naman ay parehong may 19 puntos para sa Wizards.

( Photo credit to INS )

Read more...