Claudine siguradong nagwawala na sa galit dahil sa pang-aasar nina Raymart at Gretchen


Siguradong nagpupuyos na naman ang kalooban ngayon ni Claudine Barretto dahil sa ginawang pagtulong ng mortal niyang kaaway na kapatid na si Gretchen para mapiyansahan at makalabas sa pagkakakulong ang dati niyang kasambahay na diumano’y nagnakaw ng kanyang mga alahas.

Sampung buwang nakulong ang kanyang kasambahay na si Dessa Patilan na inakusahan niyang nagnakaw ng kanyang mga alahas na nagkakahalaga nang milyon.

Humingi ng tulong ang kasambahay ng aktres kay Gretchen na agad namang inirekomenda sa kanyang mga abogado.Si Attorney Alma Mallonga ang humawak sa kaso, ito rin ang abogado ni Vhong Navarro, nakalaya ang dating kasambahay ni Claudine nu’ng Lunes nang hapon.

At siguradong lalong ikagagalit ni Claudine ang kuwento na tumulong din ang kanyang nakahiwalay na mister na si Raymart Santiago sa paglaya ng kasambahay nila, ibig sabihi’y hindi naniniwala ang aktor na may ninakaw ngang mga alahas ni Claudine ang babae, dahil ayon kay Raymart ay hindi naman nito nakita kahit kailan ang mga sinasabing alahas ni Claudine.

Siguradong magbibigay ng kontra-reaksiyon si Claudine sa pangyayaring ito, napakarami namang puwedeng tumulong sa nakulong niyang kasambahay, pero bakit ang kapatid pa niya at ama ng kanyang mga anak ang kailangang pumasok sa eksena?

Akala pa naman ng iba ay magkakasundo na ang magkapatid na Barretto, pero mukhang mas titindi pa ang kanilang hidwaan ngayon, dahil pakiramdam ni Claudine ay talagang tinitirya siya ni Gretchen. At ganu’n din ni Raymart.

Read more...