IKATLONG araw pa lamang ng misteryo sa pagkawala ng flight MH370 ng Malaysian Airlines, isang source ko na nasa Kuala Lumpur ang nagsabi sa akin na bulung-bulungan na ang anggulong hijacking na may kinalaman sa takbo ng pulitika sa Malaysia.
It’s a domestic political issue that has gone international in the most shocking manner.
Sa aming programang Banner Story sa Inquirer Radio, napabulalas pa ako, “Kasunod niyan, isisisi na kay Anwar Ibrahim ang pagkawala ng flight MH370!”
Hindi nga ako nagkamali. Yun na ngayon ang tinutumbok ng imbestigasyon. Unti-unti na ring naglalahad ng katotohanan ang Malaysian government batay sa mga datos na hawak. Alam na pala nila ngunit hindi agad ibinahagi sa media at sa ibang bansa na nag-iisip na may kinalaman sa terorismo ang insidente.
Sa pagbasa ko, matagal ng nakaplano ito at kung bakit hindi natunugan, may paliwanag naman ang isang security and anti-terrorism expert na matagal ko ng kaibigan, si retired police General Rodolfo “Boogie” Mendoza na siya ngayong pangulo ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research o PIPVTR.
“Malaysia is in denial of the homegrown terrorist threat,” sabi sa akin ni Mendoza.
Ipinaliwanag niya na ang anumang grupo ng terorista sa Malaysia ay maaaring gamitin ng anumang grupong may kakayanan na maglunsad ng kaguluhan sa anumang porma.
Maaaring nagsanib ang puwersang pulitikal at grupong may kinalaman sa terorismo.
Yung political connections and affiliation ng pilotong si Captain Zaharie Ahmad Shah ang malinaw na sentro ng imbestigasyon, at malinaw na iniuugnay sa kampo ni Anwar Ibrahim.
May iba pang pwededeng isipin base na rin sa kwento ni Mendoza.
Anya, nabahala siya nang malaman niyang nag-aral sa Philippine Airlines noong 1980 hanggang 1981 itong si Captain Zaharie.
Nabahala siya dahil tandang-tanda niya na sa kanyang ginawang interrogation report noong 1995 kay Abdul Hakim Murad, sinabi nitong dalawang beses siyang nag-aral sa flying school dito sa Pilipinas.
Sino ba ang Murad na tinutukoy dito? Siya lang naman ang isa sa mga nagplano ng unang pag-atake sa World Trade Center noong 1993 kasama si Ramsey Ahmed Yousef.
Ano ang posibleng koneksiyon? Sabi ni Mendoza sa akin, nakatitiyak siyang sinabi sa kanya ni Murad na nag-aral din siya noong early ‘80s sa isa pang flying school sa Pilipinas.
Ikalawa lamang ang nasa record na pag-aaral nito sa Continental Flying School noong Nobyembre ng 1990 hanggang Enero ng 1991.
“I am not just sure kung same period and same flying school in the early ‘80s, but what I am certain of is the fact that Murad had ties with Riduan Isamuddin also known as Hambali, one of the Islamic Radicals from Malaysia and mastermind of the Bali bombing of 2002,” Mendoza told me. Walang malinaw na connect the dots ika nga, maliban sa posibilidad na maaaring nagkahalubilo ang mga ito dito sa Pilipinas at doon sa Malaysia.
Malinaw na ang tinututukan ngayon ay ang background na ng dalawang piloto ng MH370 partikular ng pilotong si Captain Zaharie. Walang mawawala kung ang aktuwal na record ni Zaharie sa Pilipinas habang siya ay nag-aaral magpalipad ng eroplano ay muling bisitahin o busisiin. Baka may malantad na bagong katotohanan, at maaaring mas malalim pa sa ating inaakala.