LOS ANGELES — Gumawa si Blake Griffin ng 21 puntos, 11 rebounds at walong assists sa kanyang ika-25 kaarawan para pamunuan ang Los Angeles Clippers na durugin ang Cleveland Cavaliers, 102-80, at itala ang ika-11 diretsong panalo ng koponan sa kanilang NBA game kahapon.
Nagtala si Chris Paul ng 15 assists at kinamada niya ang 11 sa kanyang 16 puntos sa huling 6:04 ng laro para sa Clippers, na hindi pa natatalo magmula noong Pebrero 21.
Tinapatan din ng Los Angeles ang longest winning streak sa NBA ngayong season na 11-game run na ginawa ng Portland Trail Blazers at San Antonio Spurs noong Nobyembre.
Si Luol Deng ay umiskor ng 23 puntos habang si Dion Waiters ay nagdagdag ng 15 puntos para sa Cavaliers, na nawala ang star point guard nitong si Kyrie Irving sa unang yugto matapos magkaroon ng left biceps injury.
Ang Cleveland ay nagwagi sa unang dalawang laro sa kanilang three-game West Coast road trip subalit hindi nila nagawang makalamang laban sa Clippers.
Umiskor si Reggie Bullock ng career-high 14 puntos para sa Clippers.
( Photo credit to INS )