Patung-patong na kaso ni Vhong laban kina Cedric at Deniece ibabasura kung…


Maraming tagahanga ni Vhong Navarro ang nagpapasalamat dahil hindi naapektuhan ng pagkakabugbog sa kanya sa husay niyang gumalaw-sumayaw.

Walang pagbabago ang tikas ni Vhong, salamat na lang, ipinaaabot ng kanyang mga tagasuporta. Balik na sa normal ang kanyang buhay ngayon, napapanood na uli siya sa telebisyon, pero siyempre’y nakaaagaw sa mahalagang oras niya sa maghapon ang pagdalo-dalo sa pagdinig ng mga kasong isinampa niya laban sa grupo nina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Roxanne Acosta Cabanero.

Bukod du’n ay kailangan din niyang dumalo sa hearing ng mga kasong ihinain naman laban sa kanya ng kabilang kampo, hindi biro ang paggising nang maaga, mahirap ang ganu’n sa klase ng buhay na meron ang mga artista.

Itutulog na lang kung tutuusin ni Vhong ay kailangan pa rin niyang ibigay sa korte, malaking abala ang ganu’n sa mga artista, dahil palagi silang kapos sa tulog at pahinga.

Pero kailangan niyang tiisin ang ganu’ng sitwasyon, meron siyang ipinaglalaban, kapag huminto siya sa pagdalo ay malaki ang posibilidad na mabasura ang asuntong ihinain niya laban sa mga nanakit sa kanya.

Natikman ni Vhong ang pagmamahal ng showbiz nu’ng mga panahong bagsak na bagsak siya, ang akala niya’y kuwento-kuwento lang ang ganu’n, pero siya mismo ang binigyan ng pagmamahal ng mundong pinasok niya nu’ng kailangang-kailangan siya ng mga uunawa sa kanyang sitwasyon.

Magulo, punumpuno ng intriga, pero totoong ibang klaseng magmahal ang showbiz. Laban kung laban, tulad ng nangyari kay Vhong Navarro, walang iwanan sa gitna ng mga paghamon.

Read more...