IGAGAWAD ng arawang obrero ang ampaw award, pagkatapos na ipinayo mismo ng Ikalawang Aquino na huwag iboto ang mga ampaw sa 2016.
Karapat-dapat na tumanggap ng ampaw award ang Department of Transportation and Communication at Land Transportation Office dahil hanggang ngayon, ang simpleng pangangailangan sa mga bagong plaka at sticker ng mga sasakyan, lalo na ang motorsiklo at scooter, ang sasakyan ng arawang obrero na walang magagawa sa agarang pagkaltas ng buwis, kontribusyon sa Social Security System, Government Service Insurance System, PhilHealth, Pag-IBIG, atbp., ay hindi pa ibinibigay. OPM buwan-buwan ang magagaling na mga opisyal ng DOTC (maganda pa naman ang angkan mo, Emilio Abaya, pero noynoying ka na rin) at LTO (OPM, Oh Promise Me, ang nakahahawang sakit ng Malacanang).
Hindi pinapara at sinisita sa mga checkpoint ang mga sasakyang apat, o higit pa, ang gulong na mga walang plaka at sticker, kaya tuloy lang ang ligaya nila sa pagbiyahe.
Pero, ang sinisita ng mga magnanakaw, adik, manyakis, mayayabang, batugan at matatakaw na mga pulis ay ang mga nakamotor at nakascooter.
Noynoying at batugan din ang DOTC sa mga proyektong mass transport system, tulad ng LRT, MRT at tren ng PNR. Hindi lumago, lumawak at lumayo ang biyaheng riles, maliban na lang sa press release, na OPM din.
Bigyan ng ampaw award si Francis Tolentino, dapat at karapat-dapat. Nang dahil kay Tolentino, bilyones na halaga ng gasolina’t krudo ang nauubos dahil sa mabigat, at pabigat nang pabigat, na trapik, hindi lamang sa EDSA, at maging sa makikitid na kalye na rin ng Lamayan, Calderon, M. Roxas, atbp., sa Santa Ana, Maynila. Christmas lane, alternative route?
Susme. Di ba’t si Tolentino ay naligaw sa Christmas lane habang tangay ang media? Oo nga pala. Hindi sanay si Tolentino sa Metro Manila dahil ang kanyang bundok ay isa lang ang traffic light.
Mabuti pa ang nagtutulak ng kariton at driver ng kuliglig sa Binondo’t Divisoria. Alam nila kung nasaan ang mga traffic light.
Bigyan ng ampaw award ang Task Force Tugis.
Hindi pala dapat hinuli si Delfin Lee, ang ibig itali sa riles ng mga OFW na bumili ng lote at bahay sa Globe Asiatique, gayung may may-ari na pala nito.
Nang dakmain ni Conrado Capa si Delfin Lee (napakarami palang kaibigan nito sa gobyerno na umaabot hanggang Malacanang), sinibak agad siya at itinapon sa kangkungan.
Nagmamaang-maangan pa at nagdadahilan pa ang mga “panginoon” sa Crame gayung alam na ng lahat ng PO Box (PO1, PO2 at PO3) na “nagkamali” si Capa, Wow Mali, nang sumunod sa korte at arestuhin si Lee. “I’m mad. After I arrested Delfin Lee, they just dumped me… I am very angry. I am very frustrated.
Frustrated is still a very kind word. I will not take this sitting down,” nagngangalit na busal ni Capa. Teka. Hindi naman nagngangalit sa kabubusal si Alan Purisima.
Nag-iisip ang arawang obrero pero alam nila ang ibig sabihin ng salitang tiyope. At hindi iyan si Capa. At alam din nila ang salitang “kung ayaw may dahilan, kung gusto’y maraming paraan.”
At hindi rin iyan si Capa. Tsk-tsk-tsk. Mabuti pa ang may kapirasong pinag-aralan, nakauunawa. Ang mga nag-aral sa Fort Del Pilar, namimilipit ang dila.
Bibigyan ba ng ampaw award si Mar Roxas? Pero, di na kagulat-gulat kung biglang napakarami ang nagsulputang nagtatanggol sa kanya.
Kesyo may 18 taon serbisyo publiko, naging kongresista, senador, kalihim ng trade and industry at transportation and communications at, higit sa lahat, ay Wharton graduate.
Hindi naman nagtapos sa Wharton ang arawang obrero pero alam nila na ang kasikatan ni Roxas sa paglilingkod ay noong siya ay nasa silong pa ng pakpak ng Gloria Arroyo.
Nang siya’y bagaheng binitbit ng anak nina Ninoy at Cory ay humalimuyak ang pinakamabangong apelyido, mas mabango kesa apelyidong Romualdez.
Kawawa na naman ang arawang obrero. Ang apelyido nila ay hindi Aquino, Roxas o Romualdez. Tsk-tsk-tsk. Oo nga naman. Si Mar Roxas ang ikakampanya ni Aquino na hindi ampaw sa 2016.
Bigyan ng ampaw award si DSWD Secretary Dinky Soliman (ang sabi ng placard ng mga militante, D-Dinky, S-Soliman, W-Walang, D-Dangal, at hindi Department of Social Welfare and Development; ‘wag naman).
Ang sabi ni Soliman ay nakararating sa tamang oras at araw ang relip sa Samar at Leyte. Humingi ng paumanhin, nagsori pero hindi “I am sorry,” si Pangulong Aquino sa isang kinupkop na estudyante ng Hope Christian College at inaming nabalam ang pagtugon ng kanyang gobyerno sa sinalanta ni Yolanda. Ha!?
Pero, matagal nang sinasabi ito nina Tiglao, Makabenta, Robles, Jurado, Maceda at Montalvan, ang mga kritikong ayaw pakinggan. Oo nga pala.
Nang iluklok ng nabahag na militar si Corazon Aquino, sinabi ng balo na hindi siya, kailaman, tatanggap ng “unsolicited advice” sa mga kritiko.
Bigyan ng ampaw award ang pinakabulok, pinakatiwali, pinakamatamad, pinaka walang-kwentang Caloocan Police Station. Kamakailan, dalawang pulis nila ang nahuling sumisinghot ng shabu at ka-jamming ang murder suspect.
Kung di ba naman kahindik-hindik iyan, shabu na, murder pa! May mayor daw ang Caloocan. Bukod sa hindi siya nalalapitan, lalo na ng senior citizens, ay hindi niya alam na ang nakapalid at pulis niya ay mga bugok.
Meron ka pa bang gustong bigyang ng ampaw award?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.