Divine Lee pahinga muna sa showbiz, kailangang damayan ang nakakulong na ama


Sa tindi ng paghamong dumating sa kanilang pamilya ngayon ay nakikisimpatya kami sa aming kasamahan sa Showbiz Police na si Divine Lee.

Kasabihan na nga nating mga Pinoy, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan, kaya paano pa kung ang padre de pamilya pa mismo ang nasasalang sa matinding problema?

Multi-bilyong problema ang hinaharap ngayon ng kanyang amang si Tito Delfin Lee, hindi biro ang mga akusasyong ipinupukol laban sa tatay niya, kaya natural lang na dumadaan din sa matinding lungkot ang pamilya nina Divine.

May pagkakasala man o inosente sa mga kasong kinakaharap ngayon si Tito Delfin ay labas ‘yun sa magandang samahan namin ni Divine sa programa, isang propesyonal na co-host si Divine sa Showbiz Police, alam namin kung ano ang nararamdaman niya sa mga panahong ito.

Sa mismong araw ng pagputok ng balitang nadakip na ang kanyang ama pagkatapos nang mahabang panahon ng pagtatago ay tinext kaagad namin si Divine, nagpaabot kami ng pakikisimpatya sa kalungkutang pinagdadaanan nila ngayon, agad naman siyang sumagot.

Naturingang may sinasabi ang kanilang pamilya pero kahit minsan ay hindi namin naramdaman ‘yun sa kilos at ugali ng modelo-TV host, isa lang siya sa marami, hindi ipinaramdam kailanman ng dalaga na mas nakaaangat siya sa iba.

Pansamantala siyang nagpahinga sa Showbiz Police para kahit paano’y makasama ang kanilang pamilya sa mga ganitong pagkakataon, aminado si Divine Lee na nakapapagod ang mga ganitong senaryo, pero talagang mapaghamon ang buhay.

Harinawang malampasan nila ito sa mabilisang panahon, kailangang managot ang may kasalanan, kung paanong kailangan ding mabigyan ng hustisya ang may ipinaglalabang tama.

( Photo credit to E Santiago )

Read more...