MALAKING pressure para kay Judy Ann Santos ang kikitain sa takilya ng pelikula nila ni Ryan Agoncillo na “My Househusband” na official entry ng Octo Arts Films sa 2011 Metro Manila Film Festival.
Hindi raw maiaalis ‘yun since ngayon lang daw ulit sila nagkaroon ng movie ng mister niya sa filmfest. Plus, wala rin daw silang panlaban na special effects kumpara sa iba pang entries.
“Ang gusto lang namin mapansin ng tao ang pelikula namin. Ma-appreciate nila ang effort at time na inihandog namin sa kanila.
Wala naman kaming laban kay Kris (Aquino) at kay Ai Ai (delas Alas), sino naman kami, di ba?” sabi ni Judy Ann.
Ayaw namang alamin ni Juday kung may suporta silang makukuha sa kanilang movie mula sa network studio niya, ang ABS-CBN. Knows naman ni Juday na kapag filmfest ay may kanya-kanyang movie rin ang bawat network.
At para kay Juday hindi panahon ngayon para magtanin siya ng sama ng loob sa Kapamilya network, “Parang sanay na rin ako, e. Parang ganoon na rin naman, ayos na rin! Ang importante, masaya kami, masaya ako,” diin ni Juday.
Speaking of ABS-CBN, patindi na nang patindi ang labanan ng mga natitirang batang kusinero sa Junior MasterChef Pinoy Edition na hino-host ni Juday.
Bet namin na manalo ang isa sa pinakabatang contestants sa show, ang 12-year old na si Bianca. Sa murang edad tinuruan na raw siyang magluto ng mga magulang niya na parehong nakapag-aral sa culinary school.
Pasok din sa finals ang batang nangangarap maging doktor paglaki but at the same time gusto ring mag-aral ng Culinary Arts na si Patrick. Imbes na mga laruan at gadgets, cooking tools ang pinapabili niya sa mga magulang.
At dahil iba-iba ang pinagmulan ng mga batang kusinero, iba-iba rin ang nakasa-nayan nilang lutuin. Sa kaso ni Iain, nae-enjoy ng kanyang pamilya ang Italian cuisine. Kaya naman Italian food din ang hilig niyang lutuin.
Hindi rin kataka-takang nasanay sa pagluluto ng Japanese food ang Filipino-Japanese na si Mika. Kahit na mas gusto niyang mag-bake, naipakita na niya sa Junior MasterChef ang husay niya sa iba pang cooking methods.
Gustong kumuha ni Tricia ng Business Management para makatulong sa negosyo ng kanyang pamilya. Araw-araw pagkatapos sa eskwela, dumidiretso siya sa kanilang restaurant sa Batangas para panooring magluto ang kanilang mga kusinero o tumulong sa paghahanda ng order ng mga kumakain.
Ilan lang sila sa interesting kiddie cooks na pumasok sa sa Super 12 ng Junior MasterChef Pinoy Edition na napapanood tuwing Sabado pagkatapos ng Wansapanataym at Linggo after ng Goin’ Bulilit sa ABS-CBN.