INIHIWALAY natin ang mensahe ni Texter …3043, ng Abuyog, Leyte. Kapani-paniwala ang kanyang sumbong dahil maraming loyal readers ang Bandera sa Abuyog, isa na riyan si Jun Pensona. Si Texter …3043 ay nagtatrabaho sa Tacloban City at dito na rin siya inabutan ni Yolanda. Aniya, hindi totoo ang nababasa niya sa mga dyaryo at napapanood na balita sa TV na natugunan na ng gobyerno ang pangangailangan ng mga binagyo. Aniya, hindi tinatalakay sa media ang mga kalansay ng tao na halos araw-araw ay meron pang natatagpuan at ito’y kinumpirma ng fire marshal at ng Task Force Cadaver.
Ang hinaing ng mga binagyo ay, kailanman, kapani-paniwala dahil sila ang mga biktima. Kung paniniwalaan ang Department of Social Welfare and Development, ay nakabangon na ang mga biktima nina Pablo at Sendong. Pero, hindi ito ang nadiskubre mismo ni Pangulong Aquino. Hindi pa rin natutulungan ng gobyerno ang mga biktima nina Pablo at Sendong. Mas lalong hindi nakatutulong ang pambansang gobyerno sa Zamboanga City.
Hindi tama ang ginawa ng demonstrador na itinaas ang karatula na nagsasaad na iba na ang ibig sabihin ng DSWD. Ayon sa demonstrador, ang DSWD ay sumasagisag sa Dinky Soliman Walang Dangal.
Dapat parangalan ng local government o mismong si Interior Secretary Mar Roxas ang jeepney driver na binaril at napatay sa Jolo, Sulu habang ipinagtatanggol ang limang guro sa mga nais kumidnap sa kanila. Maliit na bagay lang ito. Sino ba naman ang karaniwang driver. Pero, ang pagkilala sa kanyang kabayanihan ay di dapat palampasin ni Roxas, kung gusto pa niyang maalala ng taumbayan.
Sa North Fairview, Quezon City lamang ang lugar sa Metro Manila na magkakaharap ang tatlong malalaking mall, ang SM City Fairview, Robinsons Nova at Fairview Terraces ng pamilyang Ayala. Minsan lang nakakita ng police visibility ang araw-araw ay dumadaan dito: noong pasinayaan ang Fairview Terraces. Kapag gabi na ay may mga nahoholdap na. Sila ang biktima ng krimen na hindi na dumudulog sa pulisya dahil malayo ang istasyon dito at cell phone “lamang” ang nadale sa kanila. Dahil sa dinadagsa na ang tatlong magkakaharap na mall, dumarami na rin ang mga pokis, ang tawag nila sa mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw. Sa gilid ng isa sa tatlong mall ay kainan at inuman na 24 oras na bukas.
Subaybayan ang susunod na mga mangyayari sa kaso at buhay ni Delfin Lee. Hindi nag-iisa si Lee sa bilyones na panggogoyong ito. Nasaan ang hepe ng Pag-IBIG sa Pampanga? Para sa mga umuutang sa Pag-IBIG sa Makati, alam nila na may kamay ang board at hepe ng ahensiya. Nariyan lang sila at dikit pa sa Malacanang.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Napakahirap na po ng buhay dito sa Barangay Santa Maria, Tangub City. Hindi naman malaki ang populasyon dito. Walang ginagawa ang mga opisyal dito para ibaba ang presyo ng pagkain. Ang isa pang pahirap ay ang armadong mga grupo. Kailan ba tatahimik at giginhawa ang buhay sa Mindanao? Mabuti pa noong panahon ni President Gloria Arroyo. …8922
Ako po si E.R., ng Pontevedra, Capiz. Nasaan ang ipinangakong tulong sa mga mangingisda na binagyo ni Yolanda? Sa dyaryo lang namin nababasa ang tulong.
Kung ibalita, parang nakarating na ang tulong sa lahat. Ang totoo ay wala pa ngang tulong ang gobyerno. …1221.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.