NAPAIBIG kaagad ng epic dramang Ikaw Lamang ang buong sambayanan matapos magwagi sa national TV ratings at mainit na pag-usapan sa iba’t ibang social networking sites ang unang episode ng programang pinagbibidahan ng Hari at Prinsesa ng Teleserye na sina Coco Martin at Kim Chiu.
Base sa datos ng Kantar Media noong Lunes (Marso 10), wagi sa time slot nito ang Ikaw Lamang ng 27.4% na national TV rating o halos 12 puntos na lamang kumpara sa katapat nitong programa sa GMA na Carmela na nakakuha ng 16.1%.
Wagi rin sa social networking sites tulad ng Twitter ang Ikaw Lamang kung saan naging numero unong worldwide trending topic ang hashtag na #IkawLamangGrandPilot.
Bumuhos rin ang papuri ng mga manonood tungkol sa istorya, casting, cinematography, musical scoring, at production design ng serye.
Para sa award-winning director na si Jerome Pobocan, ang Ikaw Lamang ay ang “must-watch teleserye of the season.”
“Ang ganda ng pagkakagawa ng mga eksena. Nakakamangha ang performances ng buong cast, mula sa mga bata hanggang sa mga beteranong artista,” ani Direk Jerome.
Tumatak naman nang husto ang tema ng serye, “Epic ang istorya. Sumasalamin ito sa malayong agwat ng buhay ng mga mayayaman at mahihirap sa Pilipinas.”
Samantala, tiyak na lalong mahu-hook ang TV viewers sa mas gumagandang kuwento ng Ikaw Lamang lalo na sa nalalapit nang paglabas nina Coco, Kim, Jake Cuenca at Julia Montes bilang ang magkakaibigang sina Samuel, Isabelle, Franco at Mona.
Paano babaguhin ng panahon ang magandang samahan na nabuo sa pagitan ng apat na bata? Mananatili pa rin bang matatag ang kanilang relasyon o tuluyan na ba itong masisira dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga estado sa buhay?
Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng master teleseryeng Ikaw Lamang gabi-gabi, pagkatapos ng Honesto.