Dislocation

KOMPORTABLE ka. Maayos ang hanapbuhay at maganda ang kalusugan.

Hindi inaasahan, biglang dumating ang sakuna, at sa isang iglap ay nawala ang lahat ng iyong kabuhayan. Ang maari mo lang ipagpasalamat ay ang himala na buhay ka pa.

Ito marahil ang naramdaman ng karamihan nating kababayan na sinalanta ng lindol at bagyong Yolanda noong isang taon.
Sa kasamaang-palad, parehong nangyari ang mga sakunang ito sa Kabisayaan.
Maliban sa “shock” at “trauma”, meron din isang sitwasyon na makaka-apekto sa kalusugan ng mga tao at ito ay tinatawag na “dislocation”.

Disclocation: Ang mawalay sa dating gawi, tirahan, kapaligiran, kabuhayan at higit sa lahat sa mga kamag-anak ay malaking bomba na pumutok sa damdamin ng bawat taong nakaranas nito.

Ang dagok na ito ay may malaking epekto sa kaisipan at pisikal na katawan, pagbaba ng antas ng kalusugan. Kung minsan apektado rin pati ang relasyon ng tao sa Diyos — nasusubukan ang pananampalataya. Ang “dislocation” ay masasabing “bad news”!

Anumang masamang balita ay hindi basta-basta natatanggap ng kaisipan. Dumadaan sa ilang antas ng proseso na nagsisimula sa shock and denial; pagkatapos ay anger o galit; tapos sasabayan ng bargaining at susundan ng depression o kalungkutan at sa huli ay natatanggap na rin, ang accpetance.

Lahat ay nagkakaroon ng ganitong karanasan, nagkakaiba lang sa panahon na nagugugol mula sa pagka-shock hanggang sa pagtanggap sa nangyari.

Ang pagtanggap ng realidad ang susi ng pag-
usad tungo sa ikabubuti ng kalagayan lalo na ng kaisipan. Sa gitna nito ay ang koneksyon ng tao sa Diyos; kapag mataas ang antas ng espiritwalidad, malakas ang paniniwala at pagtitiwala sa Diyos ay mas mabilis ang adjustment sa bagong uri ng pamumuhay.

Napakahalaga ng katotohanang ito dahil dito nagmumula ang pagga-ling ng karamdamang pisikal at maging kaisipan.

Pagkatapos ng sakuna, walang ibang patutunguhan kundi ang bumangon. Ang problema lang ay kung walang sapat na kakayahan na bumangon dahil nga sa naubos ang ipon at lahat ng material na pag-aari.

Dito maa-apektuhan ang kalusugang pang-katawan. Dahil sa kakulangan ng “basic needs” gaya ng tubig, pagkain, pahinga, masisilungan at kalinisan, maaaring madaling dumapo ang mga sakit lalo na sa mga bata at matatanda.

Madalas na magkaroon ng Sipon, Ubo, Impeksyon sa baga (Pneumonia), bituka (Gastroenteritis), bato (UTI at Kidney failure dahil sa Dehydration).Madalas kasabay ng “Panic Attacks” ay may Alta Presyon” din.

Mapapansin din ang dami ng taong nasugatan at maraming namatay dahil lang sa Tetano, na maaring maiwasan kung nakita kaagad at naibigay ang bakuna at gamot. Ang kakulangan sa Nutrisyon ay magdudulot ng mas maraming sakit dahil sa paghina ng resistensya.

Sa pagkakataon na ito, mas agresibong pananaw ang kailangan. Maliban sa pag-gamot ng karamdaman, iwasan din ang panibagong sakit. Siguraduhin na ang tubig na iniinom ay malinis at purified, ang pagkain ay naluto o nainit man lang.

Ang pinakamabigat na epekto ng dislocation ay ang kalusugang pang-kaisipan.
Panatilihin ang ating pananalig sa ating Poong Maykapal!

 

 

Read more...