Osang maraming nilokong politiko dahil sa mga bisyo
May maihihirit pa kaya si Rosanna Roces ngayong mismong anak na niya ang nagdiin at nagsiwalat ng mga detalye tungkol sa pagkalulong niya sa droga? Paano na ang mga pinakawalang salita ni Osang sa kanyang Facebook, paano pa niya ‘yun mababawi, paano kaya niya ikakatwiranan ngayon ang mga pinasambulat na rebelasyon ni Onyok?
Napakaraming nag-text sa amin pagkatapos ng interview ni Manay Lolit Solis sa anak ni Rosanna, nanghihilakbot ang kanilang mga komento, lalo na du’n sa bahagi kung saan nagtapat si Onyok na pati sila ng kanyang kapatid na si Grace ay inalok ding tumikim ng droga ng kanilang ina.
Kailan lang ay nagtutungayaw pa si Osang sa kanyang FB, kung mura-murahin niya ang mga taong wala namang ginagawang masama sa kanya ay parang wala nang bukas pa, komento nga ng mas nakararami nating kababayan ay mahirap na talagang patulan ngayon ang palusog nang palusog na aktres dahil parang palagi na siyang humuhulagpos sa katwiran.
Ano kaya ang masasabi niya ngayong ang mismong anak na niya ang tahasang nagsabi na ang kanyang pagdodroga ang naging dahilan ng pagkawasak ng kanilang pamilya?
Binabawalan na siya ng kinagisnan niyang ina at ng kanyang mga anak pero nagpatianod pa rin siya sa bisyo. At ang isa pa sa matitinding rebelasyon ni Onyok, may mga nilalapitang politiko ang kanyang ina at hinihingan ng tulong na pampinansiyal dahil nagkasakit daw ang kanyang nanay, ang kanyang anak, pero ang totoo ay ipinangbibisyo lang naman niya ang nakukuha niyang tulong.
Kaya ang sabi ni Onyok, hindi na bumabata ang kanyang ina, kailangan nang magbago ni Osang kung gusto pa niyang magkaroon ng direksiyon ang kanyang buhay.
At kailangang tanggapin na niya ang katotohanan na ang kahapon ay nakaraan na, nabubuhay na siya sa pangkasalukuyan, hindi na siya ang dating sikat na Rosanna Roces dahil may mga bago nang mukha na usong-uso ngayon at hindi tulad ng damit na pinaglipasan na ng panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.