Ang nangamumuhi nang walang dahilan, higit na marami sa buhok kong taglay; daming sinungaling na mapagparatang, ang hangad sa akin ako ay mapatay; ang pag-aari kong di naman ninakaw, nais nilang kuni’t dapat daw ibigay. —Awit 69:4
KAILANMAN, ang parunggit ay masamang ugali at di dapat kalakihan ng bata dahil dadalhin, at bababahin, niya ito sa kanyang paglaki. Ang batang pinalaki, at nagkaisip, sa parunggit ay palaaway, tagapagsimula ng gulo sa klase at salot at kinamumuhian sa komunidad, sa kapitbahayan (sa taon 2013, ang palaaway ay tinawag na bully, hiram na salita na hindi maintindihan sa Isla Puting Bato, pero mas malinaw ang bansag na siga).
Ang palaaway na bata ay nilalayuan, base sa utos ng mga magulang sa kanilang mga anak, na umiwas nga sa palaaway, huwag makipagkaibigan sa palaaway, huwag kausapin ang palaaway dahil muhi at gulo ang dala nito, na maaaring mauwi sa sakitan, at gantihan o resbakan.
Sa unang sigwada ng mga paratang kay Renato Corona, ay nangamoy pera na agad mula sa Malacanang. Pero, ang amoy ay hindi katibayan ng pera mula sa Malacanang, tulad ng amoy ng masarap na niluluto sa kusina ng kapitbahay, pero ang amoy ay likas nga namang nakagugutom, mandin.
Likas na nakaaakit ang pera, bukod sa ito’y madalas gamiting patibong, na tinawag na marked money. Pero, sa operasyon ng kasalukuyang Malacanang, hindi ito marked money, kundi people’s money na pansuhol sa magnanakaw na mga kongresista’t senador (bilang ehemplo, nariyan pa rin sina Boying Remulla at Mitos Magsaysay).
Nang awayin ng palaaway na Malacanang, reto ang Bureau of Internal Revenue, si Manny Pacquiao, inakala nitong maluluray ang boksingero (boksidor para kay Darlene Custodio).
Pero, ang naluray ay ang Malacanang, dinalipirot at nilapirot ng nagngangalit na opinyon ng publiko, ng arawang obrero, ang patuloy na tumatangkilik sa pahayagang ito.
Sa isang banda, nagising sa katotohanan si Pacquiao. Na ang kuwenta ng buwis ay dapat ipagkatiwala kay Levi, na di kalaunan ay naging si San Mateo, ang disipulo at tinawag ni Jesus, ang makasalanan na kanyang tinawag upang palaganapin ang Ebanghelyo.
Hindi dapat ipagkatiwala ang kuwenta sa mga walang kwenta. Pero, dahil amoy eleksyon na at araw-gabi ay marami nang putahe ang iniluluto sa kusina ng mga politikong naghahangad sa panguluhan (bakit hindi nangangamoy ang luto sa kusina ni Mar Roxas?
Dapat bang magluto siya ng bagoong Iloko para maamoy), biglang kumambiyo ang palaaway sa General Santos City at ginawaran pa si Pacquiao ng papuri bilang pinakamalaking nagbayad ng buwis, ng may P250 milyon. Ha!? Nagising ang pitong lasing sa Batangas.
Kahit na pinuri si Pacquiao, at dahil amoy eleksyon na nga, hayun at naroon si Pacquiao kay Jejomar Binay (at wala siya kay Mar Roxas, na kumikilatis at nagpapaalala na ang apelyido mo ay hindi Aquino).
At ngayon, ang inaaway ng sakim at makapiling BIR ay ang mga doktor (sakim sila sa kaaway at hindi sa KKKKK). Marahil, ang tapa-ojo (sa hindi alam kung ano ito, magtanong sa mga residente ng Barangay Carmona, Makati; sa mga residente ng Oroquieta, Hippodromo at San Lazaro sa Santa Cruz, Maynila) ng BIR ay nakatuon sa dalawang ospital ng St. Luke’s, Makati Medical Center, Medical City, at iba pang pagamutan na hindi kaya ng suweldo ni Mang Domeng, kahit na siya’y may PhilHealth.
Kahindik-hindik na bulag ang BIR sa mga doktor sa Barangay Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalaki at pinakamalawak na barangay sa buong bansa, sa mga bayan ng Basilisa (Rizal), Cagdianao, Dinagat, Libjo (Albor), Loreto, Tubajon at San Jose sa Dinagat Island; sa mga bayan ng Almagro, Basey, Calbiga, Daram, Gandara, Hinabangan, Jiabong, Marabut, Matuguinao, Motiong, Pagsanghan, Paranas (Wright), Pinabacdao, San Jorge, San Jose de Buan, San Sebastian, Santa Margarita, Santa Rita, Santo Niño, Tagapul-an, Talalora, Tarangnan, Villareal at Zumarraga sa Samat, atbp.
Ang palaaway ay sinungaling, mapagparatang at walang katahimikan, ayon sa Biblia.