Tax dito, tax doon; maliliit na tao ang pumapasan

TALAGANG di na makatwiran ang pagpapataw ng sobra-sobra at overlapping na buwis ng gobyerno sa sambayanang Pilipino. Tayo ay nagbabayad ng 12%VAT sa lahat ng produkto at serbisyo. Tapos ang mga nagtatrabaho ay nagbabayad ng mula 20 hanggang 32% na income tax na otomatikong nakabawas na agad sa suweldo dahil sa witholding tax.
Bakit ginaganito tayo ng ating gobyerno? Hindi ba’t nagbabaha na ang pera nila sa PDAF, DAP at LUMP SUM funds ng Malakanyang at Kongreso? Bakit hindi nila tingnan ang kapakanan ng mamamayan, lalo na iyong mga nagkakandakuba na sa araw araw na ginawa ng Diyos.
Sa Thailand, bagamat 35% ang income tax sa mga malalaki ang sweldo, ang pinakamababang empleado ay kinukunan lang ng 5%. Bukod dito ang kanilang VAT sa mga bilihin ay 7% lamang at 20% lang ang tax sa mga korporasyon. Kaya naman pala pinupuntahan sila ng mga investors. Halos pareho sila ng Vietnam sa income tax pero ang VAT doon ay 10 % lamang at 25% naman sa mga korporasyon. Ang Indonesia ay 5-30% ang income tax at ang VAT nila ay 10% lamang samantalang mga korporasyon ay 25% ang buwis.
Ang kapitbahay nating Malaysia ay 0-26% ang income tax bracket na ang Ibig sabihin, ang mababang empleado ay libre sa buwis at ang may malaking sweldo ay 26 percent.Pero ang mabigat dito, ZERO VAT o walang value added tax sa kanilang mga bilihin sa Malaysia.
ZERO VAT din ang Hongkong at ang income tax bracket naman ay 0-15% lamang? Doon naman sa mga korporasyon, ang tax ng Malaysia ay 25% at sa Hongkong ay 16.5 % lamang. Isama na rin natin ang Singapore kung saan ang corporation tax ay 19% lamang . Kung income tax ang pag-uusapan, 3.5% hanggang 20% lamang dito ang VAT ay itinakda sa 7%.
Kung susuriin, wala talagsng magpupuntang investor dito kung corporation taxes ang pag-uusapan. Tayo ang may pinaka mataas na buwis 30% bukod pa sa napakamahal na kuryente, tubig at iba pang bilihin sa buong Asia. Maski ang China, 25% lang ang corporation tax. At dahil sila’y Komunista, pinaka mataas ang income tax doon,
5-45% samantalang 17% naman ang VAT.
Ginagaya ba natin ang China sa panghuhuthot sa kanilang mga nagtatrabahong mamamayan sa kada suweldo at maging sa mga pangunahing bilihin? Paano magbibigay ng dagdag sweldo ang mga korporasyon dito sa Pilipinas sa mga empleado, kung kasosyo na agad ang gobyerno sa 30%? Paano bababa ang mga presyo ng kanilang produkto kung bawat isa ay may VAT ang gobyerno na 12%?
Paano nga ba na gagaan ang buhay ng mga Pilipino at maging mga korapsyon kung nasa gobyerno na ang halos kalahati ng kinikita natin? Hindi na ako nagtataka kung bakit nandadaya sa buwis ang ilang mga kumpanya dito. Hindi rin mawawala ang mga corrupt sa BIR, Customs, DOTC at iba pa dahil humahanap din ng pagkakakitaan ang mga negosyante. Pero sa pinakadulo, palaaging maliliit na mamamayan ang tinatamaan.
Sabi ni BIR commissioner Kim Henares, open sila sa panukalang ibsba ang income tax bracket sa 25% mula sa 32% pero hindi pa ngayon. Kailangan daw I-plug muna ang mga tax loopholes , fiscal incentive rationalization, Tax Information Management Transparency Act, revenue sharing at Customs modernization. Kapag nagawa raw lahat ng ito,saka lang pag-aralan ang pagbaba ng income tax. Madam Commissioner, buhay pa kaya ang mga Pilipino sa panahong sinasabi mo?
Patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, hindi naman tumataas ang sweldo ng tao at korporasyon. Patuloy na bumababa ang purchasing power o halaga ng ating piso, hindi naman binabawasan ng gobyerno ang kanyang “SOSYO” sa bawat pawis at dugo ng mga manggagawa at pamilya.
Ok lang sanang mataas ang income tax natin, pero bawasan naman sana ang VAT o alisin nang tuluyan tulad ng ginawa ng Malaysia at Hongkong.
Kundi naman, itakda na lang sa 5% kung ayaw nilang alisin.
At habang tayo ay naghihingalo sa araw araw na pakikibaka sa buhay, tayo pa palang mga come tax workers at VAT users , ang gumagastos o nadudugas sa bawat anomalya sa gobyerno. Mahiya naman kayo.

Read more...