Babalik sa ME (2)

Sulat mula kay Erlina, ng Barangay Comagascas, Cabadbaran City
Problema:
1.      Dati po akong domestic helper sa Middle East at halos anim na taon ako roon.  Nakaipon din kahit paano, pero ayaw ko nang bumalik doon dahil niyayaya ako ng pinsan ko na magtrabaho sa Singapore.   Pinaga-apply niya ako sa anumang agency sa Cebu City at tutulungan daw niya akong makapunta doon. Pero kailangan daw na manggaling ako sa pinanggalingan ko, sa Middle East.
2.    At kapag naroon na ako ay madali na raw akong pumasok sa Singapore.  Itatanong ko po sa inyo, Sir Greenfield, kung matutulungan nga ako ng pinsan ko?  Matagal ko nang pangarap ang makapagtrabaho sa Singapore dahil malapit lang ito sa Mindanao kaya madaling bumiyahe.
Umaasa,
Erlina, ng Barangay Comagascas, Cabadbaran City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Gemini  (Illustration 2.) ang nagsasabing hindi matatapos ang buwang ito ay maoobliga kang mag-ayos ng papeles papuntang Middle East muna dahil sa pangungulit sa iyo ng pinsan mo. Kung saan, sa buwan ng Disyembre, siguradong makakapunta ka na at ito ring pag-abroad na ito ang magiging simula upang makapag-Singapore ka.
Numerology:
Ang birth date mo ay nagsasabing sa taong ito na may sumatutal na five (5) day tiyak ang magaganap— may isang produktibo at mabungang pangingibang bansang itatala sa iyong karanasan.
Luscher Color Test:
Upang mas madaling palarin at mas mabilis na mapitas ang magandang kapalaran lagi kang magsuot ng kulay na asul, puti, gray at silver. Sa nasabing mga kulay, kung lagi mong isusuot at gagamitin ay unti-unti ng aaliwalas at gagaganda ang iyong kapalaran.
Graphology:
Maganda at maayos ang pagkakasulat ng iyong lagda, kung saan ay tuluy-tuloy at mabilis mo itong natapos sa pamamagitan ng katamtaman at kaayusang mga letra. Ibig sabihin dahil may “good looking signature” ka, tunay ngang ngayon pa lang nasasagap na ng unconscious mong isipan ang positibong mangyayari sa iyong kapalaran sa susunod na mga taon at araw.
Huling payo at paalala:
Erlina, ayon sa iyong kapalaran, sumunod ka lang nang sumunod sa ipinapagawa sa iyo ng pinsan mo. Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap. Mula sa Middle East, makalilipad ka patungong Singapore. At tulad ng iyong iniisip at pinapangarap, magiging immigrant ka roon at magtatagal.

Read more...