Hinanap ba talaga si Delfin Lee?

NITONG nakaraang Huwebes, nahuli na ang matagal nang pinaghahanap na si Delfin Lee.

May patong sa ulo si Lee na P2 milyon dahil sa kasong syndicated estafa.

Ang nakakaloka rito, nahuli siya sa Hyatt Regency Hotel and Casino sa Pedro Gil sa Maynila na laging matao at nasa sentro pa ng kalakalan.

Ang tanong tuloy ng mga ordinaryong mga mamamayan, hinanap ba talaga si Lee?

May ulat pa na nakita na rin siya sa kilalang mall sa Makati ngunit walang ginawa ang mga kinauukulan para hulihin itong si Lee.

HIndi imposibleng pakalat-kalat lang din itong si Lee sa Metro Manila at malayang nakakakilos dahil naniniwala siyang maaaring walang kumanti sa kanya.

Inaakusahan si Lee sa bilyon-bilyong pisong anomalya gamit ang pondo ng Pag-IBIG funds kung saan gumamit siya ng mga bogus na mga aplikante para sa housing loan para makakuha ng pondo mula sa nasabing ahensiya.

Ang pondo ng Pag-IBIG ay mula sa mga buwanang hulog ng mga miyembro nito.

Hindi lamang ang naloko ni Lee ang naghahangad ng hustisya rito, kundi ang mga milyon-milyong mga miyembro ng Pag-IBIG, ikaw, ako, sila at tayong lahat.

Gaano ba karaming mga miyembro ng Pag-IBIG ang hanggang ngayon ay walang sariling bahay pero tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng kontribusyon sa pangarap na darating din ang panahon na magkakaroon sila ng bahay na masasabing tunay na sa kanila. Tapos, heto ngayon ang balita na bilyon-bilyong pondo pala ng ahensiya ang nilustay ng taong ito para sa sariling interes.

Pero talagang makakapal din ang mukha ng kampo nitong manggagantsong negosyanteng ito. Kinukuwestyon pa nito ang legalidad ng pagkakahuli sa negosyante sa pagsasabing wala ng bisa ang warrant of arrest na naging basehan ng kanyang pagkakaaresto.

Ilang taon ang hinintay ng kanyang mga biktima para makitang madakip ang taong ito at harapin ang mga kasong inahain sa kanya at pananagutin hindi lamang siya kundi ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa scam na ito.

Umaasa ang lahat na uusad na nga ang mga kaso laban kay Lee at mga kasabwat nito. At sana nga ay mabulok sa bilangguan ang taong ito na lumustay sa dugo at pawis na pinuhunan ng maraming maliliit na mamamayan sa pag-asang magkakaroon na sila ng sarili nilang bahay.

Isa pang kontrobersiyal na pinag-uusapan ngayon ay itong si Ruby Tuason na akusado sa pork barrel scam ngunit ngayon ay isang provisional state witness.

Nitong linggo, ibinuking ng Bureau of Immigration ang pag-alis nitong si Ruby patungong US, bagamat ayaw itong kumpirmahin ni Justice Secretary Leila De Lima kahit obvious na obvious na wala na nga rito ang tao.

Ang hindi lamang katanggap-tanggap sa pag-alis ni Tuason ay bilang nasa ilalim ng programa ng Witness Protection Program(WPP), bakit pinapayagan ng DOJ na makapasyal pa rin ito patungong US? At kanino kayang gastos ito?

Hindi ba’t kaya nga siya inilagay sa bilang provisional state witness dahil sa sinasabing may banta sa kanyang buhay?

May nagkomento tuloy na porke kaalyado, maaari nang bigyan ng special treatment ang katulad ni Tuason na isa ring nakinabang sa pondo mula sa pork barrel ng mga mambabatas.

Taliwas ito sa Tuwid na Daan na isinusulong ni PNoy.

Para sa komento, reaksyon at tanong, maaaring i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...