Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Rain or Shine vs Barako Bull
5:15 p.m. Brgy. Ginebra vs San Miguel Beer
IKALAWANG sunod na panalo ang sisikaping ibulsa ng Barangay Ginebra at San Miguel Beer sa kanilang pagkikita sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon ay sisimulan ng Rain or Shine ang kampanya nito kontra sa Barako Bull. Ang Beermen at Gin Kings ay galing sa panalo noong Biyernes.
Inilampaso ng San Miguel Beer ang Meralco, 94-76, samantalang naungusan ng Barangay Ginebra ang Barako Bull sa overtime, 108-104.
Sa kabila ng reports na papalitan siya dahil wala siya sa kundisyon ay nagpamalas ng kahusayan si Oscar Joshua Boone, isang four-year veteran ng New Jersey (ngayo’y Brooklyn) Nets, nang magtala siya ng 16 puntos, 16 rebounds, tatlong assists at isang blocked shot sa 32 minuto.
“We appreciate his professionalism. Saludo kami sa kanya, sa attitude and everything,” ani bagong SMB coach Melchor Ravanes patungkol kay Boone.
Pinarating ng Beermen bilang kapalit ni Boone si Kevin Jones subalit wala pang abiso sa PBA Commissioner’s Office. Ang panalo kontra Bolts ay higit na impresibo dahil sa hindi naglaro si June Mar Fajardo para sa Beermen bunga ng injured na kaliwang paa.
Nagtala rin ng double figures sa scoring para sa Beermen sina reigning Most Valuable Player Arwind Santos (16), Doug Kramer (14) at Marcio Lassiter (12).
Ang Barangay Ginebra ay dumaan sa butas ng karayom at napuwersa nito sa overtime ang Barako Bull matapos ang three-point shot ni Chris Ellis sa dulo ng regulation period.
Samantala, dinurog ng Alaska Aces ang Globalport Batang Pier, 93-77, para makuha ang unang panalo sa unang laro kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ikalawang laro, nasungkit naman ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang ikalawang sunod na panalo matapos naungusan ang Air21 Express, 95-91.
( Photo credit to INS )