BUMAHA ng luha kahapon sa studio ng It’s Showtime dahil sa pagbabalik ni Vhong Navarro sa noontime show ng ABS-CBN matapos ang halos isang buwang pamamahinga. Sa paglabas pa lang ng comedian sa stage ay iyakan na agad ang kanyang mga co-hosts at ang audience.
Hindi rin napigilan ni Vhong ang kanyang pag-iyak habang nagpapasalamat sa lahat ng mga sumusuporta at patuloy na naniniwala sa kanya sa gitna ng mga iskandalong kinasasangkutan niya ngayon.
“Alam n’yo natatakot ako sa mga pinagdadaanan ko, natatakot ako sa nangyayari sa buhay ko ngayon, pero kailangan ko ring gawin ito, ang humarap sa inyo, ang magtrabaho at muling maghatid ng kaligayahan sa madlang pipol,” simulang pahayag ng TV host-comedian sa pagbabalik niya sa Showtime.
“Susubukan ko pong maging normal uli ang lahat dahil may isang dahilan ako na hindi malilmutan, isang buwang hindi tayo nagkita-kita, namiss ko kayong lahat madlang pipol! Kapag nababasa ko ang mga tweets ninyo, yung mga magagandang message n’yo sa inyo, mas lalong lumalakas ang loob ko.
“Kaya gusto kong magpasalamat nang personal, pinagdarasal n’yo ko, pinaniniwalaan nyo ko, kaya nananatili akong matatag, at kung bakit ako nakatayo sa harap ninyo ngayon.
Kaya magtatrabaho ako uli, gusto ko lang magpasaya. Salamat sa pagmamahal n’yo sa akin, ramdam na ramdam ko po yun.
“Salamat sa ABS-CBN, kasi mula simula pinaramdam nila sa akin kung gaano kalalim ang ibig sabihin ng salitang kapamilya, sasabihin sa iyo hinding-hindi ka mag iisa,” sabi pa ni Vhong na tuloy pa rin ang patulo ng luha.
Pero sa bandang huli ng kanyang pagpapasalamat, hindi na napigilan pa ni Vhong ang magpatawa, sinabi niyang maayos na uli ang kanyang ilong na napuruhan nga ng bugbugin siya ng grupo ni Cedric Lee, “Hindi raw bagay sa akin ang matangos ang ilong, kaya ayan balik din sa dati. Sabi ko nga, hindi ko papapalitan yan,” na ikinahagalpak ng audience.
Nagbigay din ng sampol si Vhong nang hilingin ito ng madlang pipol. In fairness, talagang na-miss ng mga manonood ang pagsayaw at pagpapatawa ni Vhong kaya naman hiyawan at palakpakan ang audience.
Biro pa nga nito, “Ang hirap naman, iiyak ka, sasayaw ka, magpapatawa ka, sasayaw ka uli tapos iiyak uli!”