James kay Kris: Sana tuluy-tuloy na, at wala nang away-away, ha!

BIMBY, JAMES AT JOSH

Natutuwa kami sa bagong development sa isyung “visitation rights” ni pareng James Yap sa anak nila ni Kris Aquino.
Masaya ngang ipinakita sa programang Aquino And Abunda kamakailan ang bahagi ng paghaharap ng dating mag-asawa sa sala ni Judge Cristina Sulit sa Makati.

Maaliwalas ang mood ng dating mag-asawa sa harap ng kanilang mga abugado at doon nga ibinalita ang pagkakaroon nila ng malinaw na kasunduan para sa visitation rights ng PBA superstar para sa anak nilang si Bimby.

Nagawa pa nga nilang magbiruan sa isa’t isa lalo na si pareng James na umaming nagulat sa “love-love-love mood” ni Kris. Biro nito, “Siguro in love iyan,” na tuwiran namang inamin ni Kris nang muli itong itanong sa kanya ni Kuya Boy Abunda sa show nila.

Last Friday, March 7 nagsimula ang once a week visitation rights ni James sa anak na paulit-ulit na nagpasalamat sa dating asawa at pumuri sa klase ng pagpapalaki nito sa anak nila.

“Sana tuloy-tuloy na ‘yung ganito. Wala ng away-away ha,” hirit pa nito kay Kris na sinang-ayunan naman ng inlabey na TV host.

Read more...