HOUSTON — Gumawa si Dwight Howard ng 22 puntos at 16 rebounds habang si James Harden ay nag-ambag ng 21 puntos para pamunuan ang Houston Rockets sa paglimita kay LeBron James at pagtala ng 106-103 pagwawagi laban sa Miami Heat.
Kumamada si James ng 22 puntos, isang araw matapos itala ang club record at career-best 61 puntos laban sa Charlotte Bobcats. Inamin naman niya bago ang laro na napagod siya at nakatulog ng halos buong araw.
Gumawa siya ng 19 puntos sa halftime subalit parang hirap naman siyang maglaro sa second half at naupo sa bench sa halos kabuuan ng ikaapat na yugto.
Nagawang tapyasin ng Heat ang kalamangan ng Rockets sa tatlo matapos tumira si Michael Beasley ng 3-pointer may 21.2 segundo ang nalalabi sa laro. Itinapon naman ni Harden ang bola kasunod nito at aksidenteng tinamaan ni Howard sa mukha si James matapos maghabulan sa bola.
Ilang segundo ring nakahiga si James sa court hawak ang kanyang ilong bago tumayo at maglakad patungo sa kanilang bench. Nanatili siya sa laro matapos ang isang timeout at sumablay sa kanyang 3-point attempt sa pagtunog ng buzzer na naghatid sana sa tablang iskor ng laro.
Ang four-time MVP na si James ay nakasuot pa rin ng protective mask para protektahan ang kanyang nabaling ilong. Si Dwyane Wade at Beasley ay parehong may 24 puntos para sa Heat.
Warriors 98, Pacers 96
Sa Indianapolis, nakapagbuslo si Klay Thompson ng 12-foot turnaround jumper may 0.6 segundo ang natitira sa laro para tulungan ang Golden State Warriors na mapigilan ang Indiana Pacers at ipalasap dito ang ikaapat na home loss ngayong season.
Kinamada ni Thompson ang 16 sa kanyang 25 puntos sa ikaapat na yugto. Nagtapos naman si Stephen Curry na may 19 puntos para sa Warriors, na nanalo sa lima sa anim na laro. Ito rin ang kanilang unang pagwawagi sa Indiana sa pitong taon.
Si David West ang nanguna para sa Pacers sa ginawang 27 puntos habang si Paul George ay nag-ambag ng 26 puntos para sa Indiana na natapos ang five-game winning streak.
Kontrolado ng Warriors ang halos kabuuan ng laro at nakalalamang sa 92-79 may 6:23 ang nalalabi. Subalit itinabla ng Pacers ang laro sa 94-all matapos ang 12-0 ratsada.
Matapos ibalik ni Thompson ang kalamangan sa Golden State, sumablay naman si George sa kanyang 3-pointer sa pagtunog ng buzzer. Bumagsak si George sa scorers’ table subalit walang tinawag na foul at hindi rin nagreklamo ang Pacers.
Thunder 125, 76ers 92
Sa Oklahoma City, nakapagtala si Russell Westbrook ng triple-double sa loob ng 21 minuto habang umiskor si Kevin Durant ng 42 puntos para pamunuan ang Oklahoma City sa panalo laban sa Philadelphia 76ers at masungkit ang ikatlong sunod na panalo.
Itinala ni Westbrook ang kanyang ikawalong career triple-double matapos humablot ng rebound may 4:55 ang natitira sa ikatlong yugto. Inilabas siya sa laro makaraan ang ilang sandali at hindi na pinaglaro.
Nagtapos siya na may 13 puntos, 10 rebounds at 14 assists para sa Thunder.
( Photo credit to INS )