HINILING sa korte ni Janet Lim Napoles, ang itinuturong mastermind sa P10 bilyon pork barrel scam, na payagan siyang makapagpaopera at ma-confine sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig.
Sa kanyang 11-pahinang mosyon na inihain sa Makati Regional Trial Court Branch 150, tinukoy ni Napoles ang medical results na ginawa ng Philippine National Police General Hospital, kung saan may nakitang mass sa kanyang uterus.
Una nang ibinasura ng korte ang hiling ni Napoles na makapagpatingin sa St. Luke’s bagamat pinayagan ito na magpa-checkup sa Camp Crame. Ayon sa mga doktor sa Crame, hindi naman life-threatening ang kalagayan ni Napoles at walang dahilan para ilagay ito sa hospital arrest.
Hirit ng kampo ni Napoles kailangan sa St. Luke’s operahan at doon ma-confine ang negosyante dahil naroon ang kanyang doktor na kanyang pinagkakatiwalaan.
“It is the primordial right of every patient to choose the medical treatment she or she will undergo, the physicians who will conduct the procedure and the medical institution, which will provide the necessary treatment for his or her treatment,” ayon sa abogado ni Napoles.
Nakatakdang dinggin ng korte bukas ang mosyon ni Napoles.
( Photo credit to INS )