NIiJohn Roson
NAGPATUPAD ang mga awtoridad kahapon ng “news blackout” sa pagdukot sa Australian national na si Warren Rodwell sa Zamboanga Sibugay.
“(There’s a) news blackout on the ground,” sabi ni Dir. Felicisimo Khu, hepe ng PNP Directorate for Integrated Police Operations in Western Mindanao, sa isang text message kanina.
Ilang oras matapos ang pagdukot Lunes ng gabi, sinabi ni Khu na maaring nasugatan si Rodwell dahil nakakita ng mga bakas ng dugo sa bahay ng banyaga sa Green Meadows Subdivision, Brgy. Pangi, bayan ng Ipil.
Dinukot aniya ng pitong armado si Rodwell sa bahay nito dakong alas-6.
Nang hingan ng update kinabukasan, sinabi ni Khu sa mga reporter na idirekta na lang ang mga tanong kay PNP spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz, na siyang pinapadalhan ng balita.
“No news, no news, I’m sorry,” sabi ni Cruz nang kapanayamin sa telepono. Tumanggi rin ang opsiyal na sumagot nang tanungin kung sino ang nag-utos ng news blackout.
Hindi rin sumagot sa mga tawag si Chief Supt. Elpidio de Asis, direktor ng Zamboanga Peninsula regional police, nang hapong iyon.
Ngunit nang makapanayam bago mag-tanghali, sinabi ni De Asis na maaring kidnapping for ransom ang nangyari kay Rodwell.
“Possibility ‘yun, wala siyang (Rodwell) trabaho dito, pensiyonado, dating (member ng) Australian army,” sabi ng police official sa mga reporter.
Posible rin aniyang sangkot ang Abu Sayyaf sa pagdukot.
Samantala, kinumpirma ni De Asis na si Rodwell ang Australian na kilala sa Internet bilang manlalakbay at dating guro ng salitang Ingles sa China.
Si Rodwell at ang Pilipinang misis, na maaring nakilala ng banyaga sa pamamagitan ng Internet, ay ikinasal noong Hunyo at nagsimulang manirahan sa Ipil noong buwan ding iyon.