Ni Julie Gaspar
UNTIL now ay wala pa ring humpay ang usapan tungkol sa break-up nina KC Concepcion at Piolo Pascual. Tila natabunan na nito ang pag-usad ng kaso sa pagkamatay ni Ramgen Revilla. Sa pag-amin ni KC na hiwalay na sila ni Piolo, nabuhay muli ang gender issue sa actor.
Nakausap namin si Boy Abunda sa bagong bukas na restaurant ng kanyang kaibigan na si Boy So, ang Sir Boy Republique sa may Panay Avenue, tungkol sa resulta ng ginawa niyang explosive interview sa kapwa niya host sa The Buzz na si KC. Hindi nais ni Kuya Boy ang magbigay ng sarili niyang opinyon sa mga isiniwalat ni KC. Maging sa isyu kung dapat ba o hindi magsalita rin ni Piolo sa hiwalayan nila ni KC.
“Hindi ko alam,” bungad ni Kuya Boy. “Hindi ko masasagot ‘yan kasi ako ang nag-interbyu kay KC. At hindi ko rin masasagot ‘yan dahil interviewer ako. I would wish that he speaks. Kung hindi man sa akin magpa-intebryu, sa ibang interviewer, okey lang. I mean, hindi lang naman ako ang nag-iinterbyu. And it’s not my call kung sa akin siya magpa-intebryu. Kung sa akin, fine. Kung hindi ako, okey lang din.’
Matatandaan na si Kuya Boy din noon sa The Buzz ang nag-interbyu kay Piolo kung saan diretsahan niyang tinanong ang aktor kung bakla ba siya. Sinagot din naman ‘yun ni Piolo na hindi siya bakla.
“I remember nu’ng ininterbyu ko siya and asked him bluntly if he’s gay and he said no. E, ayoko kasi talaga manghusga. Kasi para sa akin ang problema nu’ng dalawa is a relationship. Gender to me is not an issue. Pasensya na kasi nanggaling ako sa pananaw na in a relationship, it’s a relationship. Hindi kabawasan ang gender choice ng tao. So, I don’t wanna judge,” pahayag ni Kuya Boy.
Dagdag pa niya, “Tsaka ito, malalim ito. Kaya hindi sa akin issue ‘yan. Sa United Nations ang gender issue is an identity. Hindi ‘yan binibigay ng kapwa sa isang tao. Gender identity is kung ano ang gender experience mo at kung ano ang sense of internal sense mo sa sarili mo. You define your gender experience. You define your gender identity. Nobody does it for you. ‘Yung problema nina KC siguro nagkaproblema sila sa relasyon, so, ‘yun. I wanna hear the other side of story. It’s always fair to hear the other side of the story.”
***
Panay naman ang tanong ni direk Wenn Deramas sa mga taga-showbiz na nasa Grams resto sa ABS-CBN habang nagdi-dinner siya with his staff sa reaksyon nila tungkol sa pasabog ni KC Concepcion. Pinagmimitingan na kasi nila ang susunod na movie ng bagong Box-Office King na si Vice Ganda sa 2012, ang remake ng “Darna Kuno” ng Comedy King na si Dolphy.
Yes, after maging kabayo, sundalong bakla, ngayon naman ay tuluyan ng gagawing babae ni direk Wenn si Vice sa kanilang ikatlong movie project sa Star Cinema at Viva Films. Sa haba ng tsikahan namin ni direk Wenn that night, nakailang sketch na ang kanyang artist sa possible outfits ni Vice as Darna.
Ikinuwento naman namin kay direk Wenn na pinanood namin ang movie na ‘yan ni Dolphy nu’ng bata pa kami sa sikat na Capri Theater sa may Avenida, Sta. Cruz kung saan punung-puno ang sinehan. Kailangan pa naming ulitin ang pelikula para lang makaupo kami at ma-enjoy ng husto ang movie. Kasama namin noon ang mother dear namin na may passes noon sa Capri theater not once, not twice, but for the whole year ang effectivity, huh!
Going back to direk Wenn, ‘yun na nga, ire-remake niya ang “Darna Kuno” sa 2012 pero bandang June or July pa raw ang playdate. That time, pinag-iisipan pa kung sino ang magiging leading men ni Vice for the movie. Kasama sa listahan sina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo. Pero ewan lang namin si Dong dahil mukhang malabo. And as for Zanjoe, sinabi namin kay direk Wenn na wala pa itong movie na naging box-office talaga. Hopefully, si Vice ang makapagtala ng kauna-unahan niyang box-office hit.