INILINYA ni Genesis “Azukal” Servania ang sarili sa posibleng title fight nang patulugin sa ika-12 round ang beteranong si Alexander “El Explosivo” Muñoz ng Venezuela sa Pinoy Pride XXIV noong Sabado ng gabi sa Solaire Resort & Casino sa Parañaque City.
Ginamit ni Servania ang matinding kumbinasyon sa kaliwa’t-kanan upang sa ikatlong pagkakataon sa laban ay bumulagta ang dating world champion na si Muñoz.
Nagawa pang tumayo ni Muñoz pero bumigay na ang kanyang tuhod para itigil na ang laban sa 2:22 marka ng 12th round.
Ito ang ika-24 sunod na panalo ng 22-anyos na si Servania at ika-10 knockout win.
May putok din siya sa kaliwang kilay pero hindi nakaapekto ito bagkus ay tila hinugutan pa ng tapang ng Filipino boxer na napanatili ring hawak ang World Boxing Organization (WBO) Intercontinental super bantamweight title.
Natalo si Muñoz sa ikalimang pagkakataon matapos ang 42 laban pero inani niya ang respeto ng mga nanood sa paboksing na handog ng ALA Promotions katuwang ng ABS-CBN.
Matapos magpahinga ng halos walong buwan, kita ang determinasyon ni Muñoz na manalo at buhayin uli ang boxing career na binalak ng itigil matapos matalo kay Leo Santa Cruz noong Mayo 4 para sa USBA super bantamweight title.
Nakapagpatama rin siya pero tunay na mas malulutong ang mga pinakawalan ni Servania na patunay na epektibo ang isang buwang pagsasanay sa Estados Unidos at Mexico para sa nasabing sagupaan.
( Photo credit to INS )