MIAMI — Umisko si LeBron James ng 31 puntos habang si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 23 puntos para pamunuan ang Miami Heat sa tambakang panalo laban sa New York Knicks, 108-82, sa kanilang NBA game kahapon.
Si James, na nakasuot ng itim na protective mask para protektahan ang kanyang ilong, ay nagbuslo ng 13 of 19 shots para makagawa ng 30 puntos sa ikalimang sunod na laro.
Tumira naman si Wade ng 10 for 13 mula sa field at ang Miami ay na-outscore ang New York, 23-3, sa huling 7:02 ng ikatlong yugto para itala ang ikaanim na diretsong panalo.
Tumira ang Heat ng 61 porsiyento habang ang Knicks ay tumira ng 37 porsiyento. Si Carmelo Anthony ay gumawa ng 29 puntos para pamunuan ang New York.
Si Tyson Chandler ay nagtala ng 19 puntos at 16 rebounds habang si J.R. Smith ay nagdagdag ng 11 puntos para sa Knicks na bumagsak sa 2-10 karta ngayong Pebrero.
Wizards 134, Raptors 129 (3OT)
Sa Toronto, nakaiskor si Trevor Ariza sa go-ahead basket mula sa fast-break layup may 1:20 ang nalalabi sa ikatlong overtime para tulungan ang Washington Wizards ang Toronto Raptors at itala ang kanilang ikalimang diretsong panalo.
Si Marcin Gortat ay nagtapos na may 31 puntos at 12 rebounds habang si John Wall nag-ambag din ng 31 puntos at si Ariza ay may 16 puntos at 10 rebounds para sa Wizards.
Kumamada si DeMar DeRozan ng 34 puntos para sa Toronto habang si Kyle Lowry ay may 18 puntos, 10 assists at siyam na rebounds. Nagdagdag naman si Greivis Vasquez ng season-high 26 puntos.
Nets 112, Nuggets 89
Sa Denver, umiskor si Paul Pierce ng 18 puntos para tulungan ang Brooklyn Nets na makabangon mula sa pinakamasaklap na pagkatalo nito sa higit na 10 taon.
Sina Joe Johnson, Marcus Thornton at Mason Plumlee ay nagdagdag ng tig-10 puntos para sa Nets, na winakasan ang six-game losing streak sa Denver.
Si Randy Foye ay gumawa ng 15 puntos para pamunuan ang Nuggets.
( Photo credit to INS )