Naging masaya ang kabuuan ng aming panayam sa magaling na aktor na si Jay Manalo na tatlong araw na ipinalabas sa Showbiz Police (alas kuwatro nang hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa TV5).
Inugat namin ang panayam sa kanyang kabataan, hanggang sa magtrabaho na siya bilang barker, takatak boy sa kahabaan ng C.M. Recto hanggang sa Divisoria, hanggang sa mag-artista na siya at kasihan naman ng kapalaran.
Kahit sinong personalidad na babae ang tanungin mo kung sino sa mga aktor ngayon ang masasabi nilang masarap makaeksena dahil sa husay sa pagganap ay hindi mawawala sa kanilang listahan si Jay Manalo.
Napakalaki ng utang na loob niya sa kahirapan, ‘yun ang balon ng talentong pinaghuhugutan niya ngayon sa kanyang hanapbuhay, napakakulay naman kasi talaga ng buhay ni Jay Manalo.
“‘Yung mga pinagdaanan ko, kapag naiisip ko ngayon, e, parang hindi ko na kakayanin pa uli kapag nangyari na naman. Parang butas ng karayom kasi ang sinuutan ko nu’n para lang ako mabuhay.
“Palipat-lipat ako nu’n, kung kani-kanino ako nakitira, mahirap mabuhay nang walang mga magulang na gumagabay sa iyo. Pero tineyk ko ‘yun bilang paghamon, nagsikap ako, hanggang sa kahit paano, e, sinuwerte naman ako,” pahayag ni Jay.
At ang maganda sa aktor na ito ay kaya niyang dalhin ang suwerteng dumating sa kanyang buhay. Hindi siya pinagbabago ng popularidad, hindi siya maangas, hanggang ngayon ay parang halaman na nakatanim pa rin sa lupa ang magkabila niyang paa.
Hindi siya tulad ng ibang personalidad na biniyayaan na nga ng suwerte, pero nagmalabis pa at nagpabaya, kaya ang kanilang ending ngayon ay nganga! Di ba naman, Japs Gersin!