Naubos na ang ipon namin, awang-awa ako sa anak kong may cancer! – Wally


SA unang pagkakataon ay nagsalita na ang komedyanteng si Wally Bayola sa sex scandal nila ni dating EB Babe Yosh. Nakausap namin si Wally sa 10th anniversary ng Zirkoh Comedy Bar last Tuesday.

Obviously, sobrang affected si Wally sa idinulot ng iskandalong ‘yun sa buhay niya. Pumayat siya nang todo nu’ng makatsikahan namin bago sumampa sa stage ng Zirkoh with his partner na si  Jose Manalo.

“Hindi ako makakain at ayaw kong lumabas ng kwarto. Takot na takot ako na baka kapag lumabas ako, e, kung ano ang mangyari sa akin,” umpisa niya.

Ilang buwan daw siyang nanahimik sa bahay nila at walang hanap-buhay.  “Wala akong trabaho, ‘yung anak ko nasa ospital pinapa-chemo (chemo therapy) namin.

Ilang sessions ‘yun at pagkatapos nu’ng huli, ‘yung ikaapat na chemo niya. Wala pang schedule kasi kailangan muna niyang magpalakas ulit ng katawan.

“Awang-awa ako sa anak ko tuwing nakikita ko siya na kini-chemo. Tapos ‘yung mga gamot pa niya. Kailangan namin ng P4,200, a day! Wala akong trabaho kaya pati ‘yung mga natatabi namin ng misis ko, lahat ‘yan nilabas na namin.

Mabuti na lang may mga taong tumutulong din sa amin. “Pero sa laki ng gastusin kahit gusto mong lumapit sa mga kaibigan mo, eh, nahihiya ka. ‘Yung isa kong anak nahinto sa pag-aaral at nag-give way para sa kapatid niyang may sakit.

“Kaya ngayon na-realize ko na mawala na lahat ng materyal na gamit  mo, huwag lang ang health mo. Kahit anong yaman mo pala, kapag nagkasakit ka, sa isang iglap kayang maubos ‘yan mabuhay lang siya.

“Matindi na nga ‘yung may sakit, e, pero sa kaso ng anak ko…cancer, e, kanser sa dugo,” maluha-luhang salaysay ni Wally.
Lima ang anak ni Wally sa kanyang asawang si Liza.

Apat na babae at isang lalaki. Pangalawa ang anak ni Wally na may sakit. Huminto sa pag-aaral ang panganay niyang anak sa Merriam College na nagti-take ng kursong Theaterical Arts para mag-give way sa anak niyang may sakit.

“Naiyak ako nu’ng sinabi ng anak ko na hihinto na siya at mag-a-apply ng trabaho. Ayaw ko siyang patigilan pero ‘di na talaga namin kaya. Ayaw ko rin siyang magtrabaho.

“Sabi ko, teka kausapin ko si Ya Chang (Japanese comedian na sumikat sa ABS-CBN). Nagdadala kasi siya ng mga talent sa mga show ng Channel 2. Subukan ko ipasok siya tutal mahilig din talagang mag-artista ‘yung anak ko, e.

“Doon tumawag ako kay Tita Malou (Choa-Fagar, Eat Bulaga’s executive head and his manager). Sabi ko baka pwede ako mag-work kahit sa Zirkoh lang. Kailangan ko talagang magtrabaho para sa pamilya ko.

Pumayag naman siya na makabalik ako sa Zirkoh. Tapos balik daw ako sa Eat Bulaga mga middle of February.”Nagulat nga ako nu’ng tinawagan nila ako nu’ng birthday ni Jose, pasok na raw ako…ako  ‘yung magdadala ng puso.

Kaya sobrang saya ko noon at iyak ako nang iyak.” Nilinaw din ni Wally na hindi siya tinanggal o sinuspinde sa Eat Bulaga, “Ako na ang kusang huminto na muna. Hindi na ako nag-report, mula ng naglabasan ang mga ‘yun.

Ang ipinagtataka ko, ang tagal na nu’n, 2010 pa. Tapos, eto lumabas 2013.” Personal daw siyang humingi ng sorry sa mga taga-Eat Bulaga, “Pinuntahan ko si Bosing (Vic Sotto).

Nag-sorry ako sa kanya. Sabi niya, ‘Huwag kang mag-alala maka-recover ka rin…in five years.’ Nagtawanan kami. Humingi rin ako ng sorry kina Mr. Tony Tuviera, sa mga taga-Eat Bulaga. Napatawad naman nila ako.

“Biniro naman ako ni Joey, ‘Wala ka bang part two niyan?’ Kay Tito Sen (Tito Sotto) na lang ako hindi nakapag-sorry ng personal. Nu’ng lumabas ang video ko naisip ko si Chito Miranda.

Naintindihan ko ‘yung naramdaman niya. Biktima siya, e. Bukod doon sa una, may sumunod pa sa kanya na video. Naimadyin ko kung gaano kargrabe ‘yun. Kasi kami mga biktima.

“Kaya nga, sa mga nagse-selfie sa phone, sa IPad o iba pang gadget, huwag nang maglagay ng masyadong personal. Kasi kahit ma-delete mo ‘yan, mare-retrive pa rin, e.”

Thankful naman si Wally sa sobrang pagmamahal at pang-unawang ibinigay sa kanya ng pamilya niya especially his wife.
“Napakabait ng asawa ko.

Alam niya from the start kung ano meron kami ni Yosh. Pero nandiyan siya. Minsan pa nga magkasama sila, nagkikita sila, nagkakausap sila.”

Pagkatapos ng interbyu namin kay Wally Bayola, we opted to stay at panoorin ang performance nila ni Jose sa Zirkoh. As expected, wala pa ring kupas sa pagpapatawa ang dalawa.

Laugh to max ang audience lalo na ang hinihintay naming pagbato ng joke ni Jose kay Wally tungkol sa sex video scandal nito. True enough, nadale ni Jose si Wally.

Ipinakilala ni Jose ang special guest kuno nila na si Gary V na walang iba kundi si Wally din. Nu’ng i-intro na ng banda ang kakantahin ni Wally na kanta ni Gary, umatras siya sabay sabi ng ganito, “Ayaw  ko niyan, ayaw kong kantahin ‘yan!”

Nagtanong naman si Jose sa kanya, “Bakit ano ba ‘yung kanta?” Sagot ni Wally, “Sana Maulit Muli!” Nagtawanan ang audience!

Read more...