Suwertehin kaya si Cone?

ALAM ni coach Tim Cone na hindi porke’t angat ka, 3-1, sa isang best-of-seven series ay sa iyo na ang seryeng iyon.
Apat na games ang dapat na ipanalo at hindi tatlo lang!

Nangyari na kasi sa kanya na nakalamang siya ng 3-1 pero natalo pa rin siya. Ito’y noong coach pa siya ng Alaska Milk at nakatagpo niya sa isang semifinals series ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs na nirerendahan noon ni Paul Ryan Gregorio.

Masaklap ang experience na yon. Abot kamay na nila ang finals berth subalit taltong beses silang nasilat ng Hotdogs at na-tsugi pa sila. Actually, ikalawang beses na ngang nangyari kay Cone iyon, e.

Ang unang pagkakataon ay noong 1990 nang magtagpo sa Finals ang Alaska Milk at Purefoods (din). Iyon ang unang Finals appearance ni Cone at nakatunggali niya ang iniidolong si Virgilio “Baby” Dalupan.

Napanalunan ng Alaska ang unang dalawang laro ng best-of-five series. So, isang panalo na lang ang kailagan nila at makakamtan na ni Cone ang kanyang unang titulo sa PBA.

Pero hindi nangyari iyon. Hindi na nagwagi pa ang Alaska sa serye.Nagtamo ng injury ang pambato ng Alaska na si Paul Alvarez sa Game Three na napanalunan ng Purefoods.

Hindi na nakapaglaro si Alvarez sa mga sumunod na games at hindi na rin nanalo ang Alaska. Iyon ang huling kampeonato ni Dalupan bago siya nagretiro bilang winningest coach ng PBA.

Fast forward.  Napantayan na ni Cone ang bilang ng mga kampeonatong napanalunan ni Dalupan at kapwa na sila ang winningest coach sa PBA nang may 15 titles. Heto’t hangad ni Cone na malampasan ang achievement ni Dalupan.

Pero katapat niya si Joseller “Yeng” Guiao ng Rain or Shine. Hangad naman ni Guiao ang kanyang kauna-unahang Philippine Cup title. At alam naman natin na ang Rain or Shine ay isang koponang hindi basta-basta maipapagpag.

Mamayang gabi ay pipilitin ng SanMig Coffee na tapusin na ang Rain or Shine at nang maisubi ang ikaanim na Philippine Cup title. Pipilitin ni Cone na talunin si Guiao upang malampasan ang record ni Dalupan.

Pero ganoon lang ba kadaling gawin iyon? Alam ni Cone na mahirap gawin iyon. Dalawang beses na siyang nabigo noong nasa Alaska pa siya.

Ang kagandahan nga lang ngayon sa parte ni Cone ay wala na siya sa Alaska. Nandoon na siya sa kampo ng koponang bumigo sa kanya in the past.

Kaya marahil ay iniisip ni Cone na tapos na ang kamalasang iyon at hindi na mangyayari pang muli. Ows?

Read more...