Rape case ni Roxanne laban kay Vhong nasoplak agad


Sa tindi ng pag-unlad ng teknolohiya at sa nagkakatusak na pagkalulong ng mga kababayan natin sa social media ay wala nang maitatago ngayon.

Nagsi-shopping ka, mumurahing damit lang ang binili mo, magugulantang ka na lang dahil biglang nasa You Tube ka na pala dahil may kung sinong kumuha ng retrato mo.

Ganu’n na kawalang lusot ngayon ang mga tao, lahat ay nabubulgar, dahil nga sa maraming paraang alam ng ating mga kababayan tungkol sa social media.

Napakadali nang matunton ngayon ang mahahalagang impormasyon tulad ng petsa at oras ng lugar at kung sinu-sino ang kasama ng artista, du’n nasoplak ng kampo ni Vhong Navarro ang isang nagngangalang Roxanne Acosta Cabanero na sumisigaw ngayon na nu’ng April 24, 2010 daw ay hinalay ito ng actor-dancer-TV host.

Napakalinaw ng ebidensiya na nu’ng mga oras na sinasabi ng babae na hinahalay ito ni Vhong ay nasa Island Cove pala ang aktor, guest siya sa isang concert ni Vice Ganda, may mga ebidensiyang video at text pa ang kampo ng aktor para idiin ang pagsisinungaling ng babaeng nagsasabing ni-rape niya ito.

Imposible namang dalawa ang katawan ni Vhong, alangan namang ang isang katawan niya ay nasa Cavite at ang isa naman ay nasa lugar ng babae at nilalapastangan ito, masisira ang ulo ng kahit sino sa ganu’ng kuwento.

Sa susunod ay kailangang pag-aralang mabuti ng kahit sinong may isisigaw na iskandalo ang mga pangyayari, alaming mabuti ang kinaroroonan ng kanilang pagbibintangan, para hindi sila napapahiya at nasosoplak nang ganyan katindi.
Sa totoo lang!

Read more...