NAMATAY ang lider ng isang relihiyosong kulto matapos na mag-amok, magpaputok ng baril at manunog ng bahay sa Dasmariñas City, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Rafael Policarpio, 59, dating sundalo at kasalukuyang lider ng grupong Salita Ng Diyos, ayon kay Supt. Gerry Umayao, tagapagsalita ng Cavite provincial police.
Natagpuang patay si Policarpio sa sinunog niyang bahay sa Block 15 Lot 1, Boston st., South 2 Ext., San Marino Subdivision, Brgy. Salawag.
Ayon sa ulat, bigla umanong nag-amok at napaputok ng baril si Policarpio alas-8 ng gabi sa naturang bahay, na pag-aari ng kaanib niyang si Asuncion Santiago at nagsisilbing sambahan ng kanilang grupo.
Sa takot ay tumakas si Santiago at dalawa nitong anak. Ilang minuto ang makalipas nang maiwan si Policarpio sa loob ay napansin na lang na nagliliyab na ang bahay, ani Umayao.
Pinaniniwalaang nag-suicide ang lider ng kulto, anang police official.