Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. San Mig Coffee
vs Rain or Shine
PBA Philippine Cup best-of-7 Finals
Game 1: Rain or Shine 83, San Mig 80
Game 2: San Mig 80, Rain or Shine 70
Game 3: San Mig 77, Rain or Shine 76
Game 4: San Mig 93, Rain or Shine 90
TATAPUSIN na ng San Mig Coffee ang Rain or Shine sa kanilang pagtatagpo sa Game Five ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Naungusan ng Mixers ang Elasto Painters, 93-90, sa Game Four noong Biyernes para sa 3-1 kalamangan sa serye at triple matchpoint na bentahe.
Natalo ang Mixers sa Game One, 83-80, matapos na tumawag ng dalawang timeouts si coach Tim Cone sa huling 22 segundo ng laro. Inamin ni Cone ang kamalian niya sa dulo ng game na iyon.
Nakabawi ang San Mig Coffee nang mapanalunan nito ang Game Two, 80-70. Isinunod nila ang Game Three, 77-76.
Kung magwawagi uli ang Mixers mamaya ay makakamtan nila ang kauna-unahang back-to-back na titulo sa kasaysayan ng prangkisa.
Subalit ayaw magkumpiyansa ni Cone na nagsabing, “You can’t pat yourself at the back at this point because you know the other team can come back and still win it. That has happened to me in the past. We have to close out the series.”
At naniniwala naman si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na kaya pa ng kanyang mga bata na makabalik. “Dikit naman ang mga laban namin, e. It all boiled down to endgame breaks.
If we can get those breaks in the end, then we can win it,” ani Guiao na naghahangad ng kanyang kauna-unahang Philippine Cup title. Walang katiyakan kung makapaglalaro si Marc Pingris na nagtamo ng eye injury sa third quarter ng Game Four na hindi niya natapos.
“To the credit of the boys, when Ping left they just continued what they’re supposed to do,” ani Cone. Ang Mixers ay patuloy na sasandig kina James Yap, Peter June Simon, Joe Devance, Mark Barroca at Ian Sangalang.
Sa ikalawang sunod na laro ay nagningning si Paul Lee para sa Rain or Shine at gumawa ng 28 puntos subalit nasayang ang kanyang kabayanihan. Kailangan ni Lee na makakuha ng tulong buhat kina Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at Ryan Araña na nagbalik sa active duty matapos masaktan ang kaliwang balikat.
( Photo credit to PBA Images )