Payag ka bang malibre sa kaso sina Tuason, Cunanan?

PAGKATAPOS ni Ruby Tuason, lumutang naman si dating Technology Resource Center (TRC) director general Dennis Cunanan para tumestigo sa pork barrel scam.

Sa desisyon ng Department of Justice na kunin siya bilang state witness, hindi kaya ilan pang akusado sa pambubulsa ng P10 bilyong pondo mula sa Priority Development Assistance Fund ang lalabas para lamang makalibre sa pagkakakulong? Hindi malabo…

Batay na rin sa pahiwatig ng DOJ at maging ni PNoy, ilan pa sa mga naunang kinasuhan ng plunder ang babaligtad para idiin ang mga kapwa akusado.

Maging si Mar Roxas ay nagsalita na rin na meron pa raw ilang sangkot sa scam ang nagpadala na ng feelers at nais tumestigo sa bilyon-pisong PDAF scam.

Kung magtutuloy-tuloy ang ginagawa ng DOJ – kunin bilang testigo ang mga sangkot mismo sa kaso – baka sa bandang huli ay ilan na lamang o baka tuluyang wala nang matirang akusado sa plunder case.

Sa mata ng mga ordinaryong mamamayan na nagmamasid lamang sa kaganapan sa paghabol sa mga nakinabang sa limitadong pera ng bayan, hindi katanggap-tanggap na malaman na lang nila isang araw na libre na ang mga ito sa kaso samantalang nakinabang naman sila nang todo-todo sa partihan ng pork barrel ng mga mambabatas.

Katwiran naman ng gobyerno, pinapayagan naman ng batas na kunin ang isang akusado sa kaso para maging state witness. Pero mukhang hindi naman maikakaila na ang layunin lamang ng paglantad ng ilan sa mga kinasuhan ng plunder ay dahil gusto nilang makalibre sila sa kaso gayong kasama sila sa nakinabang sa pork barrel.

Kayo ba papayag na lang kayo nang ganon?
Sapat na rin ba sa inyo ang pahayag ni Tuason at ni Cunanan na handa silang isoli ang parte ng kanilang kickback? Tapos wala na, di na sila kakasuhan?

Batay sa pahayag ni Cunanan, ilang mga kaalyado ng administrasyon ang sabit din umano sa pork barrel scam.
Kung kumbinsido ang DOJ sa mga pahayag ni Cunanan, dapat ay kasuhan din ang mga kilalang kaalyado ng gobyerno na ang ilan ay aktibong nakaupo sa ilang ahensiya ng gobyerno.

Sa kabila naman ng kilalang pagiging mahigpit ni BIR Commissioner Kim Henares, alam kaya niya na tuloy pa rin ang katiwalian ng ilang opisyal ng BIR?

Isang reklamo ang nakarating sa Bandera na sangkot pa rin ang ilang BIR officials sa extortion. Tuloy ang ligaya ng mga tiwaling opisyal ng BIR.

Sa sumbong na nakarating sa Bandera, isang kumpanya ang hiningan ng P300,000 ng isang opisyal para lamang matigil ang panggigipit nito. Alam naman nating kung gaano kahigpit si Henares sa kanyang kampanya laban sa mga tax evaders.

Ayon sa sumbong, pikit-matang nagbigay na lamang ang kumpanya dahil na rin sa ginagawang panggigipit ng opisyal ng BIR.
Sa kabila ng kampanya ni Pangulong Aquino na matigil na ang katiwalian, hindi pa rin natitinag ang mga tiwaling mga opisyal sa BIR sa kanilang ginagawa.

Dapat ay umaksyon si Henares sa ilegal na aktibidad ng ilan sa kanyang mga opisyal. Ma’m mukhang wala pa ring takot ang ilan sa mga opisyal ninyo at dedma pa rin sa tuwid na daan na kampanya ni PNoy.

Para sa komento at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...