PINATUNAYAN ng dating talent manager at mentor ng Teleserye King ng ABS-CBN na si Coco Martin na hindi pinagbago ng kasikatan at kayamanan ang award-winning na ngayong aktor.
Nakachikahan namin si Ihman Esturco, isang malapit na kaibigan ni Coco na kasa-kasama niya nu’ng nagsisimula pa lang siya sa showbiz. Naka-base na si Ihman sa Amerika, umuwi lang siya ng Pilipinas para sa pagbubukas ng bago niyang negosyo, ang Wicked Bar sa Parañaque.
Nag-open na ang Wicked Bar a few weeks ago, pero gaganapin ang grand opening nito sa Feb. 26, sey ni Ihman, “Why this business? Siguro dahil sa ideya na yung pinanggalingan ko, I’m into theater so gusto ko yung pure entertainment.
Yung kahit sino puwedeng pumasok, hindi lang siya parang comedy bar so dapat lahat puwede ninyong gawin.” Tinanong namin siya kung bakit dito pa siya nagtayo ng bar, e, matagal na siyang nasa US, “Aba siyempre mas maganda sa Pilipinas, di ba?”
Ang Wicked Bar, ayon sa deskripsyon ni Ihman ay, “Dapat wicked, dapat kinakailangan masaya, yung tipong naughty, yung tipong ganu’n, di ba? Maganda yung term na yun, naughty.”
Going back to Coco, pagdating daw ni Ihman sa bansa, dinalaw niya agad si Coco, pumasyal siya sa last shooting day ng bagong pelikula ng aktor, ang “Padre De Familia” kung saan makakasama nga niya ang Superstar na si Nora Aunor.
In fairness, kahit kailan daw ay hindi nakalimot si Coco sa kanya, kahit nasa ibang bansa na siya ay tuluy-tuloy pa rin ang komunikasyon nila.
Ano ang masasabi ni Ihman sa kasikatan ngayon ni Coco? “Aba siyempre I feel proud! I mean no matter what, siyempre sa akin siya nanggaling, yung tipong ganu’n. Hindi siya nagbago.
Never! And siya ang nagbigay sa akin ng accomodation,” tumatawang chika ni Ihman sa pag-stay niya ng isang buwan dito sa bansa. “Sabi ko nga sa kanya, bilog ang mundo.
Hindi ba? Kung sino yung mga taong nakatulong sa ‘yo in the past, iyon pa rin. Kumbaga siguro yung training na naibigay ko sa kanya, yung tipong siyempre ang background ko theater, tapos yung mga taong nakasalamuha niya nu’ng time na nasa akin siya. So iyon pa rin,” dagdag nito.
Pag-alala pa ng dating mentor ni Coco, mga 13 o 14 daw si Coco nang magsimula itong mag-showbiz, “Wala pang ‘Masahista’ nu’n.” Ang “Masahista” ang indie movie na nagbigay ng maraming rekognisyon kay Coco na idinirek ni Brillante Mendoza.
Noon pa man ay naniniwala na siya na sisikat ng husto si Coco at magiging isang mahusay na aktor pero inamin niyang hindi niya inasahan na magiging super sikat ang aktor.
Siya nga pala, isa sa partners ni Ihman sa Wicked Bar ay ang fashion designer na si Kim Gan, siya ang nagdadamit kina Carmina Villarroel at Alice Dixson, pati na rin kay Anne Curtis.
Katuwang rin ni Ihman sa pagpapatakbo ng Wicked Bar ang nakababata niyang kapatid na si Pinky Esturco. Mga stand-up comedians, fashion shows, impersonators, group dancers, bands at sexy male and female ledge dancers ang ipinagmamalaking atraksyon ng Wicked Bar na matatagpuan sa #888 Ninoy Aquino Avenue, Brgy. San Dionisio, Parañaque. For inquiries call lang kayo sa (02) 952-4315.
( Photo credit to E Santiago )