Andre Paras ayaw nang pag-usapan si Jackie
Malaking sugal ang pelikulang “Diary Ng Panget” produced ng Viva Films mula sa direksyon ni Andoy Ranay dahil pawang mga baguhan ang bida rito – sina Andre Paras, Nadine Lustre, James Reid at Yassi Pressman.
Bagama’t kilala si Andre bilang anak nina Benjie Paras at Jackie Forster at varsity player sa UP-Diliman ay hindi nangangahulugan na madali rin siyang matatanggap sa larangan ng showbiz dahil kailangan niyang patunayan na kaya niyang umarte at sabi nga, matibay ang dibdib sa mga intriga.
Iyon naman talaga ang baptism of fire para mapansin ka sa showbiz, di ba bossing Ervin, dapat magaling kang umarte at dapat marunong kang makisama sa entertainment press at hindi puwede ang pasuplado effect na sagot, dahil kapag nakainisan ka nang isa, asahan mong marami na ang kasunod.
Tulad ni Andre na first time naming makatsikahan sa presscon ng Diary Ng Panget” sa The Library, Metrowalk Pasig noong Huwebes ng gabi, malaki ang potensiyal ng binatilyo na sumikat dahil bukod sa guwapo at matangkad, e, talagang puwedeng-puwedeng makipag-sabayan sa mga sikat na leading man ngayon sa ABS.
Ang kaso, parang hindi maganda ang mga sagot niya sa ilang katanungang ibinato sa kanya ng entertainment press.
Tulad sa tanong kung gaano siya ka-open sa mga intriga, ang sagot ng binatilyo ay, “As long as it’s not personal.
I know its part of it. But if it’s personal, you know, I have the right naman to say I don’t want to answer it. Of course, we all do want respect also. But maybe other topics, I’m willing to answer it also,” diretsong sagot ni Andre.
Pero kung tungkol sa kanyang ina na si Jackie ang tanong, “No! no comment!” mabilis niyang sagot. Maraming beses na naming nabasang ayaw pag-usapan ni Andre ang kanyang tunay na ina dahil sa naging problema nila noon, pero since plano niyang pasukin ang showbiz, dapat maging handa siya at sana magalang siyang sumagot.
Tanong ko lang, hindi ba marunong gumamit si Andre ng “po” at “opo” dahil English speaking siya? E, kung ganito ang pamantayan sa mga bata na kapag English speaking ay hindi ka na marunong gumamit ng “po” at “opo” , e, mas ayoko nang lumaking Inglesero ang anak namin!
Si James naman na grand winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition (3rd season), parang walang nangyari sa karera niya dahil hirap din siyang magsalita ng Tagalog.
Pero hinangaan namin si James dahil maski na balu-baluktot siyang mag-Tagalog ay marunong gumamit ng po at opo kaya plus pogi points siya sa amin.
Nasa pangangalaga ng Viva Artist Agency ngayon si James na nanggaling kay Joji Dingcong at Star Magic, at sana mabago na ang takbo ng career ng binatilyo dahil sayang naman ang kaguwapuhan niya at talent.
At may boses din si James. Napanood namin ang music video niyang “Alam Ba Niya” mula sa Viva Records kasama si Nadine Lustre na love interest siya sa “Diary Ng Panget”.
Speaking of Nadine, para pala siyang si Kathryn Bernardo sa biglang tingin pero kapag natitigan na ay hindi naman, ‘yun nga lang baka parang mapagkamalan ang dalagita at malaking epekto ito sa kanya dahil baka isipin ay ginagaya niya ang girl of my life ni Daniel Padilla.
Anyway, si Nadine ang bida sa “Diary Ng Panget”, siya ang gaganap na Eya na siyang nagmamay-ari ng diary kung saan isinusulat niya ang lahat ng nangyayari sa kanyang buhay pag-ibig.
Mukhang okay naman ang love team nina James at Nadine dahil maganda ang chemistry nila sa music video at tama lang din na isang guwapong tisoy at isang simpleng babae ang magbida sa movie para hindi nakakasawang pagmasdan.
Si Yassi ang pinakamadaldal sa apat palibhasa’y sanay na siyang naiinterbyu ng press kaya kampante na siya at maski na Inglesera ay marunong gumamit ng po at opo kaya nakakatuwa, pero hindi pa rin siya makatanda ng reporters..
Sa Abril, 2014 pa ang showing ng “Diary Ng Panget” pero nagpa-presscon na agad ang Vivas Films dahil ganu’n sila ka-excited sa pelikula.
( Photo credit to E Santiago )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.