Hanggang papel lang ba ang panalo?

SA papel lang ba ako panalo?

Ito ang tanong ni Froilan Bautista ng Nueva Ecija.

Taong 2009 nang magsampa si Froilan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA)-Adjudication Office ng kasong illegal recruitment (Case No. RV10-02-0225) laban sa New Marc Ship Management, Inc.

Makalipas ang dalawang taon ay nagdesisyon ito na pabor sa kanya. Nobyembre 15, 2011 nang mag-isyu order para sa money claim, na pinagtibay din naman ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Setyembre 29, 2012 naman lumabas ang desisyon na final and executory na kung saan pinababalik ang P112,000 sa kanya.

Ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tumutugon mula sa Commonwealth Insurance Surety Company ng New Marc Ship para siya bayaran.

Marami na umano silang nilapitan para lang maibalik sa kanya at sa kanyang pamilya ang P112,000, ngunit wala pa rin siyang nakikitang liwanag hinggil sa pagpapatupad ng desisyon.

Ayon kay Atty. Dennis Gorecho, ang maritime lawyer ng Bantay OCW, kinakailangang mag-file na si Froilan ng writ of execution upang habulin ang properties ng naturang kumpanya, Handa rin si Gorecho at ang Bantay OCW na tulungan si Froilan hanggang makuha nito ang pinakaaasam-asam na panalo, at hindi hanggang papel lamang.

Nagpadala naman ng email sa bantayocwfoundation@yahoo.com si Shiela Marie Dipolog hinggil sa reklamo nito nang magtungo siya sa Abu Dhabi.

Fit to work naman umano siya ayon sa klinikang nagbigay ng kaniyang medical certificate nang mag-apply siya sa Zippy International Resources. Umalis siya noong April, 2012 ngunit inabot lamang siya ng hanggang June 2012 at pinauwi na dahil nakitaan siya ng lung scar.

Pagbalik ng Pilipinas, binigyan siya ng Zippy International ng halagang P20,000 at pinangakuan na tutulungan na lamang siya para sa iba pang mga compensation. Ngunit magpahanggang ngayon ay naghihintay pa rin siya, at hindi na siya kinakausap ng kinatawan ng ahensiyang Zippy at lumipat na rin ito ng kanilang opisina kung kaya’t hindi na rin niya alam kung saan pa sila mapupuntahan.

Natawagan naman ng Bantay OCW ang Zippy agency sa bago nilang tanggapan sa Paranaque City at ayon sa kinatawan nito na si Jesus SM Gutierrez, hindi naman sila nagtatago at naka-post naman sa POEA website ang bago nilang address at mga telepono. Na siyang totoo rin naman dahil doon din kinuha ng Bantay OCW ang kanilang numero kaya’t natawagan sila ng aming program director na si Cherry.

Ayon pa kay Gutierrez, kung fit to work ang medical ni Shiela, tiyak namang wala siyang tinataglay na anumang sakit noong panahong nagpa-medical siya. Napakaistrikto ng United Arab Emirates (UAE) kapag X-ray na ang pinag-uusapan. At maaaring ma-expose ang isa sa kanyang kapaligiran kung kaya’t hindi maaaring maging pareho ang resulta ng X-ray ng ating OFW bago pa ito umalis, at hanggang sa panahon na nakapanatili na sa abroad ang ating kabayan. Sa kaso ni Shiela, tatlong buwan pa siyang nakapag-trabaho doon bago nakitang may lung scar ito at napauwi sa bansa.

Ngunit ayon naman sa cardiologist na si Dr. Ernie Baello, kapag scar sa lungs dapat permanente iyon. Puwedeng ma-miss lang ng unang reader ng CXR. Pero kahit may scar pa umano ay puwede namang inactive or healed na o gumaling na iyon.

Read more...