Tandem? Pulis pala

DALAWANG pulis-Maynila ang kinasuhan sa piskalya ng robbery-holdup. Riding-in-tandem sila nang umano’y mangholdap.

Nakilala sila ng biktima kaya sa kabila ng alibi, kesyo birthday ng anak nung isa, hindi ito pinakinggan ng prosecutor at isinampa sa korte ang kaso.

Matagal na nating sinabi na ang ilang tandem ay mga pulis din, tulad ng bumuntot at umambus sa chief inspector na matagal na nakatalaga sa drugs.

Hindi nailigaw ng chief inspector ang mga nakamotor sa bumuntot sa kanya habang sa siya’y buhusan ng bala. Ang ganitong mga uri ng tandem ang dapat pag-ingatan ng sibilyan. Sa mga istorya ng pulisya, iginigiit na ang tandem ay sibilyan. Hindi lahat.

Dapat ay doble-ingat kapag nasa Maynila, Quezon City, Caloocan, Pasay, Taguig at Paranaque, ang mga lungsod sa Metro Manila na madalas tumira ang tandem, lakad-ambus o holdap lang.

Walang estratehiya ang pulisya sa Metro Manila para habulin ang pumapatay at nanghoholdap na mga tandem. Nag-aral pa naman sila pero hindi nila mahabol ang mga tandem.

Hindi estratehiya ang sunud-sunod na checkpoint.

Iiwasan lang ito ng tumitirang tandem at lusot na sila. Kung nahahabol lang, at tumitimbuwang din, ang tumirang tandem at mababasan ang dami ng mga ito.

Nakatatakot na dahil halos araw-araw ay may bumubulagta sa tandem at may nananakawan sa tandem.

Huwag sanang gayahin ng pulisya ang estratehiya ng militar, na kapag tumakbo ang mga rebelde ay hindi na hinahabol.

Pusong bato itong si DSWD Secretary Corazon Soliman nang insultuhin pa niya ang mga taga-Tacloban na namasahe pa-Malacanang para lamang makausap ni Pangulong Aquino.

Ang perang ginamit na pamasahe ng mga binagyo ay patak-patak sa barangay para rumekta na sila kay Aquino at makuha agad ang tulong. Huwag mong kalilimutan iyan, Soliman.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sino ba talaga ang nanalo sa 2013 barangay election sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat? Marumi kasi ang resulta. …3863

Tama lang na bitayin ang mga taga-LTFRB dito sa Mindanao.
Lahat ng tumatakbo sa highway dito, pati ruta, ay colorum. JO Calvo.

Naggigirian pa rin sa PDAF. Kung si Duterte ang masusunod, diretso ang pera sa respective government agencies para hindi magagalaw ng kurakot na politiko. Iyang hearing ng Senado ay para sa 2016 dahil kung seryoso sila, bakit walang kakampi ng administrasyon.
Nasaan ang questionable properties ni Legarda? Si Drilon, malinis ba? Lahat ng admin senatongs tumanggap ng pabuya sa Corona impeachment.
Bakit busal ang bibig ng DOJ tungkol diyan? Bribery na iyon, bakit walang aksyon ang DOJ? Amil, 45.

Sunud-sunod na patayan na ang nagaganap sa Bilibid. …9484

Ang gusto ni Mayweather ay matalo si Pacman kay Bradley, para makaiwas siya sa bugbog.
Kaya dapat, lalong pagbutihin ni Pacman ang ensayo. …8940

Read more...