3-1 PUNTIRYA NG PAGOD NA SAN MIG

Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine
PBA Philippine Cup best-of-7 Finals
Game 1: Rain or Shine  83, San Mig 80
Game 2: San Mig 80, Rain or Shine 70
Game 3: San Mig 77, Rain or Shine 76

TILA pagod ang San Mig Coffee at naghahanap ng ‘second wind.’ Dismayado subalit hindi naman nawawalan ng loob ang Rain or Shine.

Sa scenario na ito, kapwa tutulak muli sa giyera ang Coffee Mixers at Elasto Painters sa Game Four ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven championship series mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Naungusan ng Mixers ang Elasto Painters, 77-76, sa Game Three noong Miyerkules para sa 2-1 bentahe sa serye.
Subalit kahit na nakalamang sa serye, sinabi ni San Mig Coffee coach Tim Cone na  “I feel my players are tired. We have to find a way to keep up with Rain or Shine.”

Ayon kay Cone, ang panalo sa Game Three ay “awesome! The game was played back and forth and the outcome was not determined until the final possession. It’s nice to be part of such a game.”

Idinagdag niya na krusyal ang magkasunod na panalo sa Elasto Painters dahil ito ang unang pagkakataong tinalo nila ng dalawang sunod ang Rain or Shine sa tatlong serye. Natalo sila sa Rain or Shine sa Finals ng 2011-12 Governors’ Cup at sa semifinals ng Philippine Cup noong isang taon.

Sa Game Three, ang Mixers ay pinamunuan ni Peter June Simon na gumawa ng 14 puntos. Nagtala naman ng tig-13 sina Joe Devance at James Yap samantalang nagdagdag ng 12 si Ian Sangalang.

Ang Rain or Shine ay lumamang ng siyam na puntos sa first quarter kung saan natawagan kaagad ng tatlong fouls si Yap at maagang iniupo.

Subalit sumiklab si Yap sa ikatlong yugto kung saan gumawa siya ng 11 puntos upang makabalik ang Mixers sa walong puntos na abante ng Elasto Painters.

Ang Rain or Shine ay nakakuha ng 23 puntos buhat kay Paul Lee sa pinakamaganda niyang performance kontra Mixers.

Subalit nabigo si Lee na maipanalo ang Elasto Painters nang hindi siya nakatira sa dulo ng laro at sa halip ay ipinasa ang bola kay Jeff Chan na nagmintis ng isang three-point shot sabay sa pagtunog ng final buzzer.

“I’m not really discouraged because I know at a certain point, we could just have broken the game away,” ani Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao. “We learned our lesson on that and we just have to take that lesson into Game Four.”

Napanalunan ng Rain or Shine ang Game One, 83-80, subalit natalo sa Game Two, 80-70. Nagtamo rin ng injured collarbone si Ryan Araña sa Game Two at hindi pa tiyak kung makapaglalaro na siya mamaya.

“We’ll have other opportunities. The good thing about it is that if we can keep the series longer I still feel we can come out the winner in this series,” ani Guiao na nais manalo sa Philippine Cup sa unang pagkakataon.

Read more...