Backcourt ng Globalport mas lalong lumalim


NASASABIK ang Globalport sa pagpasok nina Alex Cabagnot at Bonbon Custodio dahil mas bibilis ang laro ng koponan sa papasok na PBA conference.

Ang 10-taong beterano na si Cabagnot ay dumating sa Globalport mula Petron Blaze kapalit ni Solomon Mercado habang si Custodio ay kinuha sa Air21 sa three-way trade na kinasangkutan din ng Barako Bull.

Ang karanasan ni Cabagnot ang isa pang nakikita ni Globalport team manager BJ Manalo na makakatulong para mabigyan ng katatagan ang backcourt na kabibilangan din nina Terrence Romeo at RR Garcia.

“He’s the perfect leader Globalport needs at this point,” wika ni Manalo. “He is also the mentor we are looking for to guide our rookies RR and Terrence.”

May kakayahan din si Cabagnot na bumira sa tres o atakihin ang depensa ng kalaban na kakailanganin pa ng Globalport.
Kahit galing ang 6-foot guard sa injury ay nakapaghatid pa ito ng 11 puntos, anim na assists at dalawang steals sa Philippine Cup.

Malaking bagay si Mercado ayon kay Manalo, kaya nakikita niyang makakatulong din ang Fil-Am guard sa kampanya ng Petron.
Si Alfredo Jarencio ang siyang tinapik ng koponang pag-aari ni Dr. Mikee Romero para siyang gumabay sa koponan kahalili ni Richie Ticzon at nakikita rin niyang lalalim ang guard spot ng koponan dahil sa karanasan ni Cabagnot at ang kahusayan sa pagpuntos ni Custodio.

“With Alex, Bonbon, RR and Terrence, rest assure that this team will run and run in our bid to fulfill our goal of improving our performance in the last conference,” dagdag ni Manalo.

Tumapos ang Globalport sa 5-9 baraha at nakaalpas sa elimination round. Hinarap nila ang Rain or Shine na namayani sa playoff round para mamaalam na sa kompetisyon.

Si Evan Brock ang siyang kinuha ng koponan para tumayong import sa papasok na conference. Ang husay nina Cabagnot, Custodio at Brock ay masusukat sa pagsali ng Globalport sa tatlong araw na 2014 Cebu City Charter Day Cup.

Bukas sisimulan ang kompetisyon na katatampukan din ng PBA teams na Alaska Aces at Talk ‘N Text bukod sa local team Tagoloan-Natumolan Eagles.

“In this tournament, we would like to build chemistry through the travel and days that we are together. We would just like them to have  a feel for each other in the court and build the players and coaches relationship,” ani ni Manalo sa kanilang goal sa torneo.

Read more...