4-day work week walang pilitan


DAPAT UMANONG boluntaryo lamang ang pagpapatupad sa four-day work week upang mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada.
Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines piling sektor lamang ang maaaring sumailalim sa panukalang four-day work week ng Metropolitan Manila Development Authority.

Kung gagawin umanong mandatory ang four-day work week, lilikha ito ng problema sa maraming sektor.“There are industries that may be adversely affected by shortened working days but extended working hours. And there are industries that may be impacted less.

We have to consider the consequence of prolonged work hours to workers’ work life balance is bad. On one hand, we are also thinking of the dire consequences to the economy if we have a gridlock in traffic. So, we have to qualify, we have to make a balance in the implementation of the scheme,” ani Alan Tanjusay, spokesman ng TUCP.

Sa ilalim ng panukala, ang mga papasok ng apat na araw kada linggo ay magtatrabaho ng 10 oras kada araw. Mayroong mga ahensya ng gobyerno na nagpapatupad sa kasalukuyan ng four-day work week kagaya ng Kamara de Representantes.

Noong nakaraang taon ay inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang panukalang 10/4 o sampung oras na pasok sa apat na araw (House bill 1278). Inaasahan ang pagbigat ng trapiko sa Kamaynilaan dahil sa konstruksyon ng Skyway-Stage 3 project at NAIA Expressway Phase 2.

Sinabi ni Castelo na makatutulong din ang tatlong araw na day off sa mga empleyado dahil mababawasan ang kanilang gastos sa pamasahe at magkakaroon ng oras para sa ibang gawain.

Samantala, piling mga eskuwelahan lamang ang magpapatupad ng four-day school week, ayon sa Department of Education. Sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Legal Affairs Tonisitio Umali, na ang mga paaralan lamang sa paligid ng gagawing Skyway Phase 3 ang isasailalim sa 4-day school week.
Hiniling na umano ng ahensya sa mga school division superintendents na tukuyin ang mga eskuwelahang ito. Makikipag-ugnayan din ang DepEd sa mga pribadong paaralan sa lugar kung nais nilang magpatupad ng 4-day school week.

Read more...